MAHIRAP unawain itong si Davao City Mayor Rodrigo Duterte. Kung minsan, magpaparamdam na tatakbo siya; kinabukasan naman, sasabihin na wala siyang balak tumakbo sa pagkapangulo.
Hindi siya tuloy maintindihan dahil sa pabago-bago niyang isip. Lumalabas na wala siyang isang salita, kung kayat marami ang naguguluhan kung ano ba talaga ang plano niya sa darating na presidential elections.
Sa mga nakalipas na araw, kapansin-pansin ang paglilibot ni Duterte sa iba’t ibang bahagi ng bansa at maging sa abroad. Ibinahagi niya ang tagumpay ng Davao bilang isang matahimk na siyudad kasabay ng panawagang suportahan ang isinusulong niyang federalismo.
At sa kabila nito, hindi raw siya tatakbo sa pagkapungulo.Kamakailan lang din, may grupo mula sa Cotabato na naglunsad ng kampanya na “Piso Para sa Pangulo” para makalikom ng pondo sa presidential bid ni Duterte.
Bilang simbulo ng pagsang-ayon, tinanggap ni Duterte ang isang basket na naglalaman ng mga barya.At sa kabila nito, hindi raw siya tatakbo sa pagkapangulo.
May panibagong political advertisement na naman ang inilunsad nitong nakaraang araw para kay Duterte. Dito ipinapakita kung paano natamo ang pag-unlad ng Davao kasabay ng katahimikan na maaaring tularan ng ibang siyudad at buong Pilipinas.
At sa kabila nito, hindi raw siya tatakbo sa pagkapangulo.Hindi maganda ang ginagawang ito ni Duterte. Parang pinaglalaruan niya ang mga taong nakikinig at naniniwala sa kanya.
Lumalabas tuloy na walang isang salita ang alkalde at parang nage-enjoy siya sa kanyang paulit-ulit at pabago-bagong deklarasyon tungkol sa kanyang plano sa darating na halalan.
Hindi ito nagpapakita ng isang matatag na lider na may isang salita. Ito ay pagpapakita ng isang taong hindi kayang magdesisyon para sa napakabigat na susuunging bagong larangan.
Nakalulungkot dahil baka dumating ang araw, hindi na paniwalaan si Duterte at magmukha na lang siyang katawa-tawa sa bawat salitang kanyang bibitiwan.
Malinaw ang sinabi ni Duterte sa panayam sa isang TV network na hindi siya tatakbo bilang pangulo, pero nitong mga nakaraang araw, nagparamdam na naman na maaari siyang tumakbo sa darating na pambansang eleksyon.
Kamakalawa, dahil lamang sa buwisit niya kay Justice Secretary Leila De Lima at dating Commission on Human Rights chairperson Etta Rosales, tahasang sinabi ni Duterte na mapipilitan siyang tumakbo sa pagkapangulo dahil sa mga taong gaya ng dalawang babae na kapalitan niya ng maaanghang na salita dahil sa isyu ng human rights violations.
Ganito kagulo si Duterte. Hindi niyang kayang panindigan ang desisyon na kung tatakbo ba siya o hindi sa darating na eleksyon. Nakapanghihinayang dahil si Duterte ay masasabing magaling na lider sakaling maluklok bilang pangulo ng Pilipinas.
Pero sa pabago-bagong pustura ni Duterte, mabuting magretiro na lang siya sa politika.