Dalawampu’t limang taon ng katatawanan, dalawampu’t limang taon ng agaw-eksenang costumes, at dalawampu’t limang taon ng pure entertainment—patuloy pa rin ang pagningning ng nag-iisang Ai Ai delas Alas.
Sa silver anniversary ng tinaguriang Philippine Comedy Queen sa showbiz, naghandog siya ng thanksgiving concert na pinamagatang “Ai Am Who Ai Am” sa mga taong walang-sawang sumuporta sa kanya sa loob ng halos tatlong dekada.
At ngayong Linggo, may pagkakataon ang mga Kapuso na mapanood ang nasabing concert sa Sunday Night Box Office (SNBO). Maghahandog pa ng kasiyahan at kilig ang ilang Kapuso stars na sina Aljur Abrenica, Alden Richards, Ruru Madrid at Gabbi Garcia.
Hindi rin nagpahuli ang ilan sa mga piling kaibigan ng Comedy Queen na nakisaya sa kanya sa entablado. Tunghayan ang mga inihanda niyang pasabog at makisaya ngayong Linggo sa SNBO pagkatapos ng Asia’s Next Top Model sa GMA.
Samantala, parami na nang parami ang naaadik sa kauna-unahang serye ni Ai Ai sa GMA, ang Let The Love Begin kung saan kasama rin ang new promising loveteam nina Ruru Madrid at Gabbi Garcia.
Kaya naman todo ang pasasalamat ng Comedy Queen dahil buhay na buhay pa rin ang kanyang mga tagahanga na kahit nga lumipat na siya sa GMA ay nandiyan pa rin para sumuporta sa kanya.
Napapanood ang Let The Love Begin gabi-gabi sa Telebabad pagkatapos ng Pari ‘Koy. Kasama pa rin dito sina Donita Rose, Gardo Versoza, Gina Pareño, Gladys Reyes at marami pang iba.
In fairness, marami ang nagsasabi na mukhang lucky charm nga ni Ai Ai ang boyfriend niyang si Gerald Salang. Simula raw kasi ng maging sila, naging peaceful ang kanyang buhay at tuluy-tuloy ang swerte.