SALUDO si Aiza Seguerra sa tapang at dedikasyon sa trabaho nina Rhian Ramos at Glaiza de Castro sa pagganap nila bilang lesbian lovers sa GMA Telebabad series na The Rich Man’s Daughter.
Sa pagbisita kasi ni Aiza sa LSFM, binanggit nitong bilib na bilib siya sa seryeng The Rich Man’s Daughter at nagpapasalamat siya sa pagbibigay nila ng boses sa mga katulad niyang lesbian na hanggang ngayon ay hindi pa rin matanggap ng ilang kababayan natin.
Sa isang panayam, nabanggit kina Rhian, Glaiza at Luis Alandy ang pagbisitang ito ni Aiza at napatili ang dalawang babaeng bida ng TRMD sa sobrang tuwa. Na-touch daw sila sa mga papuri ni Aiza sa kanilang palabas.
Sabay pa ang pagtaas ng boses ng dalawa at pareho pang nagkagulatan sa sarili nilang reaksyon dahil nga sa mga naging pahayag ng singer-actress.
Ayon kay Glaiza, “Sobrang laking bagay ‘yon na manggaling kay Aiza Seguerra ‘yung ganung comment.” Halos pare-pareho silang hindi makapagbigay ng reaksyon dahil para sa kanila ay karangalan na mapansin ni Aiza ang kanilang show.
Sa huli ay pinangunahan ni Luis ang pagpapasalamat kay Aiza para sa pagbibigay pa sa kanila ng inspirasyong pagbutihin ang ginagawa nila sa serye.
Samantala, nagsagawa kamakailan ang The Rich Man’s Daughter ng kauna-unahang Live Q&A chat sa Facebook kung saan humarap sa mga netizen sina Rhian, Glaiza at Luis. Sila mismo ang nakausap ng fans at sumagot sa mga katanungan ng mga ito.
Sa Facebook chat na ito, natitiyak ng mga fans na lehitimong mga accounts ang kausap nila dahil sa kulay asul na check mark na makikita sa tabi ng pangalan ng mga artista.
Umabot sa halos 7,000 na tanong ang bumuhos sa mga bida ng TRMD, kaya naman nagpapasalamat sila dahil nakiisa ang mga fans nila sa nasabing live chat.
Sa tulong ng Facebook, nagawa ng TRMD cast na mas mapalapit sila sa kanilang mga fans at naging mas personal ang kanilang pakikihalubilo sa mga ito.
Nakilala rin nila ng mas mabuti ang mga taong patuloy na sumusuporta sa kanilang show dahil sa feature na ito ng Facebook, kaya laking tuwa nila nang malamang kahit anong oras ay maaari nilang sagutin ang tanong ng mga fans sa pamamagitan lamang ng pag-tag sa kanilang verified accounts.
Abangan ang pagpapatuloy ng kuwento ng TRMD this week dahil sunud-sunod na ang mga eksenang tiyak na ikagugulat ninyo. Napapanood ang nabanggit na tomboy serye pagkatapos ng Let The Love Begin sa GMA Telebabad.
Kasama rin dito sina Mike Tan, Al Tantay, Gloria Romero, Katrina Halili, Chynna Ortaleza, Pauleen Lune, TJ Trinidad at marami pang iba.