KINUMPIRMA ni Senate Blue Ribbon Sub-committee Chairman Senator Koko Pimentel III na isa si Senador Grace Poe sa mga lumagda sa draft report ng blue ribbon sub-committee na nagrerekomendang kasuhan ng plunder si Vice President Jejomar Binay, anak nitong si Makati Mayor Junjun Binay at iba pang sangkot sa sinasabing overpriced Makati Parking Building.
Sa panayam ng Radyo Inquirer, sinabi ni Pimentel na agad lumagda si Poe ilang oras matapos niyang iendorso dito ang report at mabasa ito ng senadora. Sinabi ni Pimentel na updated si Poe sa takbo ng hearing, kaya hindi na siya nagulat nang lumagda ito sa draft report.
Maliban kina Pimentel at Poe, pumirma na rin sa draft report sina Senador Antonio Trillanes IV at Alan Peter Cayetano.
“Meron na akong apat na pirma, ako, si Trillanes, (Alan) Cayetano at Grace Poe. Hindi ako surprised na pumirma si Sen. Grace, updated siya sa hearing, nung sinabi kong may partial report na ako, binasa niya, after few hours pumirma na siya,” sinabi ni Pimentel.
Ayon kay Pimentel, sa susunod na Linggo mayroon pang tatlong senador na nakatakdang pumirma sa draft report.
Kailangan ng sub-committee namaka-siyam na pirma para mai-disclose ang nilalaman ng report.
Ayon sa sources ng Inquirer, lumalabas sa partial report ng Sub-committee na nagkaroon ng “grand conspiracy” para pagkakitaan ang pagtatayo ng Makati Parking Building na overpriced umano ng aabot sa P2.3 bilyon.
Maliban sa mag-amang Binay, pinakakasuhan din ng plunder ang mga miyembro ng Bids and Awards Committee (BAC) ng Makati City Hall, si Hilmarc Construction Corp. President Robert Henson, Board Chair Efren Canlas, Mana Architecture and Interior Design Co. owner Orlando M. Mateo at ang staff ni Vice President Binay na sina Gerardo “Gerry” Limlingan at Eduviges “Ebeng” Baloloy.
READ NEXT
DU30 di ubra sa Abra
MOST READ
LATEST STORIES