Patafa nakatutok pa rin sa 8 SEAG gold

NANANATILING matibay ang paniniwala ni Philippine Athletics Track and Field Association (Patafa) president Philip Ella Juico sa naunang ibinigay na prediksyon patungkol sa gintong medalya na puwedeng mapanalunan sa Southeast Asian Games sa Singapore.

“I hope you guys don’t make a liar out of me,” pabirong sinabi ni Juico sa isinagawang send-off sa athletics team kahapon sa Marriott Hotel Manila.

Ipinaliwanag ni Juico na ang prediksyon ay may basehan dahil sinuri nila kasama ang mga coaches ang mga records na naiposte ng kanilang manlalaro at mga  makakalaban sa mga nilahukang kompetisyon.

“We came out with eight with several in 50-50 situation. It’s a lucky number and I’m staying with that,” pahayag pa nito.

Nasa 36 atleta ang ilalaban sa lahat ng events sa track and field maliban sa walkathon.

Ang mga binibigyan ng diin na mananalo ng ginto ay sina Fil-Ams Eric Cray at Caleb Stuart, Archand Christian Bagsit, Jesson Ramil Cid, Christopher Ulboc, Henry Dagmil, Marestella Torres-Sunang at ang 4x400m men’s relay team.

Sina Cray, Bagsit, Cid, Ulboc, Dagmil at ang 4x400m relay ay mga nanalo sa 2013 SEA Games habang nagbabalak si Torres-Sunang na maibalik ang sarili bilang pinakamahusay na long jumper sa kababaihan.

Si Stuart ay patok na manalo ng dalawang ginto sa larangan ng hammer throw at discus throw dahil ang mga personal best sa dalawang throwing events na ito ay lampas sa SEA Games record.

Si Cray ay nagpakita pa ng kahandaan na manalo ng ginto matapos magtala ng 49.12 segundo sa isang invitational meet sa Estados Unidos.

Ang oras ay higit sa SEA Games record na 49.76 segundo at lampas sa IAAF B standard sa 400m hurdles na 49.40 segundo.

Nakasama sa send-off ang pamunuan ng L Timestudio at Veloci Time at nagbigay sila ng magagarang relo para lalo silang magsumikap sa hanap na tagumpay sa Singapore.

Read more...