3 hepe sibak sa ‘Lambat-Sibat’

PNP

PNP


Sinibak sa tungkulin ang tatlong hepe ng pulisya sa Central Luzon para sa kabiguang matugunan ang mga rekisito ng “Oplan: Lambat-Sibat.”

Tinanggal bilang hepe sina Supt. Rechie Duldulao, ng San Fernando City Police, Pampanga; Supt. Marcos Rivero, ng Marilao Police, Bulacan; at Senior Insp. Marlo Dangarang, ng Abucay Police, Bataan, ayon kay Chief Superintendent Ronald Santos, direktor ng Central Luzon regional police.

Inutos ng PNP Directorate for Operations ang pagsibak sa tatlo para sa kabiguang matugunan ang mga rekisito ng “Lambat-Sibat,” sabi ni Santos sa isang kalatas.

May kinalaman sa resulta ng validation sa mga blotter book ang pagtanggal sa tungkulin sa tatlo, sabi naman ni Chief Inspector Cherry Lou Donato, tagapagsalita ng regional police, nang hingan ng karagdagang detalye.

Ang Lambat-Sibat ay unang inilunsad ni Interior and Local Government Secretary Mar Roxas ilang buwan na ang nakaraan para mabawasan ang bilang ng krimen sa Metro Manila, hanggang sa ito’y ipinatupad na rin sa mga lalawigan.

Nilinaw naman ni Santos na sa kabila ng pagkakasibak sa tatlong hepe ay bumaba na ng halos 30 porsiyento ang bilang ng krimen sa Central Luzon.

Read more...