Wish ng tagasuporta ni Willie: gawing araw-araw ang Wowowin

willie revillame

Tuwing Linggo nang hapon ay binubulabog na naman ni Willie Revillame ang sambayanan, napakaganda ng ginawang pagwelkam sa kanya ng mga Pinoy, mahirap ipaliwanag pero ganu’n talaga katindi ang karisma ng aktor-TV host sa publiko.

Kung nakakailang episodes na ang Wowowin ay ganu’n na rin ang bilang ng pagna-number one sa rating ng kanyang show, kinakabog niya ang kanyang mga kasabayan, talagang hindi pinababayaan si Willie ng kanyang mga tagasuporta.

“Napakasarap sa pakiramdam ng ganito na ang feeling ko, e, hindi naman ako pansamantalang nawala sa gitna ng laban. Napaka-warm ng pagtanggap nila sa pagbabalik ko, napakasarap magtrabaho nang inspired ka,” komento ni Willie.

Pero bitin ang ating mga kababayan sa isang oras lang niyang show, hiling ng kanyang mga tagasuporta ay maging daily na sana ang Wowowin, para araw-araw na nilang nakakasama ang kanilang Kuya Wil.

“Kung gusto nilang maging araw-araw ang Wowowin, e, doble nu’n ang pagkagusto ko, hindi lang sila ang nakaka-miss sa akin, mas na-miss ko sila.

“Hindi ganu’n kasimple ang mapawalay ka sa mga taong nakasanayan mo nang makasama araw-araw, kaya ngayong heto na uli ang pagkakataong makasama ko sila, napakasaya ko,” dagdag na pahayag ni Willie.

Patuloy ang suporta kay Willie ng ating mga kababayan, tuluy-tuloy lang ang kanilang sigaw, “Bigyan ng jacket ‘yan!”

Read more...