Mga Laro Ngayon
(Cuneta Astrodome)
4:15 p.m. KIA vs Blackwater
7 p.m. NLEX vs Talk ‘N Text
Team Standings: Barako Bull (4-0); Alaska Milk (3-1); San Miguel Beer (3-2); Globalport (3-2); Meralco (2-3); Barangay Ginebra (2-3); KIA Carnival (2-1); Talk ‘N Text (2-1); Star Hotshots (1-3); NLEX (1-3); Blackwater (1-3); Rain or Shine (1-3)
HANGAD ng Talk ‘N Tex at KIA Carnival na maiposte ang ikatlong panalo sa apat na laro kontra magkahiwalay na kalaban sa 2015 PBA Governors’ Cup mamaya sa Smart Coliseum sa Cubao, Quezon City.
Makakatunggali ng Tropang Texters ang NLEX Road Warriors sa alas-7 ng gabi sa main game matapos ang alas-4:15 ng hapon na paghaharap ng Carnival at kapwa expansion team Blackwater Elite.
Ang Talk ‘N Text at KIA ay kapwa may 2-1 record at galing sa panalo.
Naungusan ng Tropang Texters ang Alaska Milk, 104-103, noong Mayo 18. Sa araw ding iyon ay tinalo ng Carnival ang NLEX, 85-82, sa last-second three-point shot ni Hyram Bagatsing.
Naibulsa naman ng Blackwater ang una nitong panalo matapos ang tatlong pagkabigo nang mabiktima nito ang Barangay Ginebra, 83-77, sa kanilang out-of-town game sa Dipolog City noong Mayo 16. Tabla sa ikasiyam hanggang ika-12 puwesto ang Blackwater, NLEX, Rain or Shine at nagtatanggol na kampeong Star Hotshots.
Ang Talk ‘N Text ay pinangungunahan ng Amerikanong import na si Steffphon Pettigrew na nagtala ng 27 puntos at 16 rebounds kontra Alaska Milk. Katuwang niya si Osama Daghles, isang 6-foot-2 guard buhat sa Jordanian national team.
Wala pa ring katiyakan kung makapaglalaro sina Jason Castro at Kevin Alas.
Kaya naman kailangang doblehin nina Ranidel de Ocampo, Larry Fonacier, Kelly Williams at Jay Washington ang kayod nila.
Ang NLEX ay sumasandig kina Kwame Alexander at Michael Madanly na sinusuportahan nina Paul Asi Taulava, Enrico Viillanueva, Jonas Villanueva at Niño Canaleta.
Ang KIA, na nagwagi rin kontra San Miguel Beer (83-78), ay pinamumunuan ng Senegalese import na si Hamady N’Diaye at Asian reinforcement Jet Chang.
Ang lead point guard ng Carnival ay si LA Revilla na gumawa ng 15 puntos laban sa NLEX. Kasama niya sina Rich Alvarez, Mark Yee at Alex Nuyles.
Ang Blackwater ay humuhugot ng lakas buhat sa naturalized center na si Marcus Douthit na tinutulungan nina Riel Cervantes. Riego Gamalinda, Eddie Laure at Val Acuña.