TOTOONG mawawalan ng kuryente, tubig at linya ng komunikasyon sa Metro Manila sa isasagawang kunyariang lindol.
Sa ganitong paraan, sinabi ni Metropolitan Manila Development Authority chairman Francis Tolentino na mararamdaman ng mga taga-National Capital Region kung ano ang inaasahang mangyari kapag nagkaroon ng malakas na lindol.
Nakasaad umano ito sa Oplan Metro Yakal ng MMDA bilang paghahanda sa pagtama ng malakas na lindol at upang mabilis na makabangon ang Metro Manila.
Sa pagdinig ng House committee on Metro Manila Development, sinabi ni Tolentino na posibleng isagawa ang Metro Manila shutdown bago ang Agosto subalit wala pang eksaktong petsa.
Ipinaalam na rin ni Tolentino ang plano sa Malacanang.Isasagawa ito mula alas-3 ng hapon hanggang 8 ng gabi upang magkaroon umano ng daytime simulation at night time simulation.
Ang mga ospital lamang umano ang papayagan na magpatuloy sa kanilang operasyon habang isinasagawa ang earthquake drill. Plano ni Tolentino na isagawa ito isang beses kada taon bilang paghahanda sa inaasahang paggalaw sa West Valley Fault at East Valley Fault.
Bukod sa Metro Manila daraanan din ng dalawang fault system ang Bulacan, Rizal, Cavite at Laguna.
MOST READ
LATEST STORIES