Player ng Barako Bull dapat lang parusahan ng PBA

Sinasabi na nga ba. Huwag na huwag magtu-tweet kapag ikaw ay puyat, gutom, natutuwa at galit.

Hindi magandang senaryo ang kauuwian kapag ganu’n dahil ang mamamayani ay emosyon at hindi ang balanseng pag-iisip.

Ilang personalidad na ba ang sumabit nang dahil sa Twitter na ‘yan na nagagamit sa hindi magandang dahilan at paraan?

Saan ba humantong ang emosyonal na pagtu-tweet ni Cristine Reyes laban sa kanyang kapatid na si Ara Mina, hindi ba’t sa husgado, nagdedemandahan ngayon ang magkadugo?

Pagpapadala rin sa emosyon ang pinag-ugatan ng pagkawala ni Ruffa Gutierrez sa Paparazzi, ang away noon nina Angelica Panganiban at Claudine Barretto, hindi ba’t Twitter din ang dahilan ng kanilang sigalutan?

Napakarami nang personalidad na bumibili ng away nang dahil sa Twitter, kung bakit naman kasi lahat na lang ay sinasabi-sinasagot, away tuloy ang resulta nu’n.Nakisali na rin sa ligang ito ang basketbolistang si Don Allado na nang matalo ang kanilang koponang Barako Bull ay agad nang nag-tweet ng kung ano-anong kasiraan tungkol sa PBA.

Kesyo ayaw na raw nitong maglaro pa sa PBA dahil may nagaganap daw na game fixing sa pinakamalaking asosasyon ng basketball sa ating bayan, kesyo nakaplano na raw kung anong team ang mananalo sa mga naglalaban-laban, at kung ano-ano pang kasiraan sa PBA.

Pagkatapos lang nang ilang oras ay nag-sorry ang manlalaro, masama raw kasi ang kanyang loob dahil natalo ang kanilang team sa huli nilang laban, katwiran ba ‘yun ng isang propesyonal na manlalaro?

Dapat lang patawan ng parusa ng pamunuan ng PBA ang mga pinalutang na paninira ng basketbolistang ito na hindi marunong tumanggap ng pagkatalo.

Read more...