NAISIP mo na ba, paano kaya ililibing ang may 30,000 katao na namatay sa isang lindol?
Bago mo asikasuhin ang mga namatay, unahin muna ang mahigit 100,000 sugatan.
Anumang oras ay maaari nang gumalaw ang Valley Fault System sa Luzon. Kumikilos ito kada 400 hanggang 600 taon. Ang huling paggalaw nito ay nangyari noong 1658.
Ayon kay Philippine Institute of Volcanology and Seismology director Renato Solidum, anumang oras ay maaaring gumalaw ang Valley Fault.
Inilabas ng Phivolcs ang The Valley Fault System in Greater Metro Manila Area Atlas upang makita kung saan dumaraan ang fault line (https://www.phivolcs.dost.gov.ph/images/VFS-Atlas/index.html). Mas komprehesibo ang pagkakagawa nito dahil mas makikita ang lokasyon ng fault.
Tingnan ang Atlas at baka nasa ilalim lang ito ng bahay mo. Kung nagkataon, baka magulat ka kapag bigla ka na lamang nilamon ng lupa.
Ayon kay Solidum, dapat ay walang bahay sa ibabaw ng aktibong fault. Ang bahay na pinakamalapit sa fault ay dapat may layong limang metro.
Isang apps sa mobile devices ang ilulungsad ng Phivolcs na tatawaging Fault Finder na magagamit upang malaman kung ikaw ay nasa active fault.
Active fault systems
Dalawa ang active fault system sa Greater Metro Manila Area— ang 10 kilometrong East Valley Fault sa Rizal at ang 100 kilometrong West Valley Fault na dumaraan sa Doña Remedios Trinidad, Norzagaray at San Jose Del Monte City sa Bulacan; Rodriguez, Rizal; San Pedro City, Biñan City, Sta. Rosa City, Cabuyao City at Calamba City sa Laguna; Carmona, General Mariano Alvarez at Silang sa Cavite; Quezon City; Marikina City; Makati City, Pasig City; Taguig City at Muntinlupa City.
Maraming subdibisyon ang dinaanan ng fault dahil bago pa man nagawa ng Phivolcs ang pag-aaral sa VFS ay naitayo na ang mga ito.
Kapag gumalaw ang mga fault na ito ay maaaring lumikha ng lindol na may lakas na magnitude 7.2 o higit pa.
Kung gabi mangyayari ang lindol, mas marami ang inaasahang mamamatay.
Inaasahan na pinakamarami ang mamamatay sa mga residential area partikular ang mga bahay na substandard ang pagkakagawa.
Hindi madadaan ang malakas na lindol ng tungkod gaya ng ginagawa kapag bagyo.
Ayon sa Phivolcs, maraming bahay sa Metro Manila ang hindi nakasunod sa itinakdang konstruksyon ayon sa Building Code.
Sinabi ni Solidum na dapat tama ang materyales na ginamit ng itayo ang bahay o anumang establisyemento.
Hindi lamang ang bahay ang dapat na tama ang pagkakagawa kundi maging ang mga gamit. Dapat na nakakabit sa pader ang mga kabinet upang hindi ito basta tumumba. Ang mga gamit na nakabitin ay dapat na maayos ang pagkakakabit upang hindi basta mahulog.
Walang ligtas
Ang buong Metro Manila, kahit na ang malayo sa fault line ay hindi umano ligtas sa epekto ng lindol.
Dahil hindi naman basta-basta ang paglipat ng bahay, ipinayo ni Solidum na huwag ng gamiting tulugan ang mga lugar na direktang nasa ilalim ng fault.
Maaari umano itong gawing imbakan ng gamit at mga katulad na paggagamitan upang mabawasan ang antas ng peligro.
Paliwanag ni Solidum kapag malapit ang lindol, ang enerhiya nito ay magpapakilos sa lupa ng mabilis.
Kapag mabilis ang paggalaw, mas magiging matindi ang epekto nito sa mga bahay na magagaan. Ito yung mga bahay at mabababang gusali.
Kapag ang lindol ay mas malayo, ang mataas na gusali naman ay parang dinuduyan. Kung tama pagkakagawa ng gusali iduduyan lamang umano ang mataas na gusali subalit hindi ito babagsak.
Ayon kay Solidum mas ligtas ang isang bahay kung itinayo ito ng malayo sa fault. Subalit kung hindi maganda ang pagkakagawa nito ay maaari pa rin itong bumagsak.
Kung lumilindol ang unang dapat na hanapin ay ang lamesa na maaaring mapagtaguan. Kapag malakas ang lindol ay hindi na makatatayo ang tao.
Maaari ring pumunta sa mga lugar kung nasaan ang poste ng bahay dahil ito ang pinakamatibay na bahagi at hindi basta bibigay.
Wala pang paraan upang matukoy kung kailan ang eksaktong paggalaw ng fault, hindi katulad ng mga bagyo na nababantayan bago dumaan sa lupa.
Kaya ang ipinapayo ng Phivolcs ay maging handa para alam ang gagawin kung kapag lumindol at matapos ito.