MRT pasakit sa pasahero

HALOS limang buwan na nang pinatupad ang taas pasahe sa MRT at LRT at ang idinadahilan ng pamunuan ng DOTC at ng Malacañang ay para mapaganda ang serbisyo sa mga pasahero pero taliwas ito sa nangyayari dahil puro aberya pa rin ang nangyayari sa mga tren.

Nitong Biyernes, tapos na ang rush hour pero ang haba pa rin ng pila sa MRT paano ba naman lilima lamang ang nagseserbisyong mga tren. Ang resulta, napakaraming mga pasahero ang nadelay sa kanilang mga biyahe.

Sa North Avenue station pa lamang, umabot na ng 30 minuto ang paghihintay sa hagdanan bago pa man makapasok sa loob at pagpasok ng mga pasahero, umabot din ng halos 30 minuto ang kanilang naging pag-aabang para lamang makasakay ng tren ng MRT.

Nang tanungin ang mga guwardiya, ang tanging nasabi nila ay walang tren na dumarating at nang tanungin ang pamunuan ng MRT, inamin nito na lilima lamang ang umaandar na tren.

Ang resulta, napakaraming mga pasahero ang naghintay ng napakatagal sa bawat istasyon para lamang makasakay sa tren at makarating sa kani-kanilang paroroonan.

Ang nakakaloka kasi, inuna pa ng pamunuan ng MRT at LRT na unahin na bumili nga mga gagamitin nila sa pagpapatupad ng unified ticketing system imbes na unahin na mapaganda man lamang ang serbisyo ng mga tren.

Nasaan na ang pangakong gaganda ang serbisyo ng MRT at LRT kapag ipinatupad na ang fare hike?

At kahapon naman, nagkaaberya rin ang operasyon ng LRT1 matapos magbanggaan ang dalawang tren nito kung saan isang pasahero ang nasugatan.

Idinadahilan ng pamunuan ng LRT1 na nagkaroon ng fluctuation sa suplay ng kuryente kayat nagkaroon ng aberya.

Totoo kaya ang idinadahilan ng LRT1 o pagkakamali rin ito ng mga operator ng tren? May pagkakataon kasi na napakabilis magpatakbo ng ilang tren ng LRT1.

Lalo na kapag papalapit na sa Monumento station, halos nagmamadali nang makarating ang ilang operator ng tren.

Kung totoo mang dahil ito sa nangyaring fluctuation ng suplay ng kuryente, hindi kaya hindi kaya sobrang bilis din ang pagmamaneho ng operator ng tren ng LRT1 kaya nangyari ang aksidente at hindi na nito nagawang makapagpreno?

Bukod sa isyu ng kalidad ng serbisyo, mas mahalaga rin ang kaligtasan ng mga sumasakay sa MRT at LRT at hindi ito dapat balewalain ng gobyerno.

Mahal na nga ang singil sa pamasahe, patuloy pa rin ang mga reklamo kaugnay ng hindi magandang serbisyo ng MRT at LRT at isyu rin ang kaligtasan ng mga commuters na sumasakay sa mga tren.

Hanggang kailan kaya magiging pasakit ang pagsakay sa MRT at LRT sa mga pasahero?

Read more...