NAGTAYO ng Help Desk ang Social Security System sa Valenzuela City Hall para tulungan ang mga kaanak ng mga biktima na namatay sa sunog na tumupok sa pabirka ng Kentex Manufacturing Corporation.
Upang mapabilis ang proseso sa pag-file ng funeral at death claim applications, kinakailangang mag-sumite ang mga kaanak ng mga biktima ng Certificate of Missing Person mula sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC).
Ang certificate na ito ang magpapatunay na ang kanilang kaanak ay kabilang sa mga namatay sa nasabing sunog. Ito na rin ang magsisilbing Death Certificate ng biktima.
Kasabay ng certificate mula sa NDRRMC ay ang sinumpaang salaysay ng benepisyaryo na garantiyang ibabalik ang natanggap na death benefit sa SSS kung sakaling mapatunayang buhay pa ang miyembro.
Sakali namang nakapaghulog ng 36 buwanang kontribusyon sa SSS ang miyembro ay tatanggap ng buwanang pension ang mga benepisyaryo at lump sum benefit naman kung kulang sa 36 buwan ang kanilang kontribusyon.
Tatanggap ng P20,000 Funeral Benefit mula sa SSS at P20,000 mula sa Employees Compensation ang pamilya ng mga nasawing manggagawa kahit isang buwan lamang ang inihulog na kontribusyon.
Sa mga empleyadong nakaligtas sa sunog ngunit nagtamo ng sugat o kaya ay nagkasakit, maaari naman silang mag-file ng sickness o disability benefits sa SSS.
Bukas din ang tanggapan ng SSS Legal Department para bigyan ng libreng legal assistance ang mga kaanak at empleyado na nais magsampa ng kaso laban sa kanilang employer na hindi nagbayad ng kontribusyon sa SSS.
Kailangan lamang na magsumite ng pirmadong Affidavit of Complaint ang mga biktima para masimulan ang kaso laban sa mga employer na lumabag sa SSS Law.
May nais ba kayong isangguni sa Aksyon Line? Maari kayong sumulat sa aming tanggapan Aksyon Line c/o Inquirer Bandera, MRP bldg., Mola St. cor. Pasong Tirad st., Makati City o kaya ay mag-email sa jbilog@bandera.ph, jenniferbilog@yahoo.com.ph or jenniferbilog97@gmail.com.
Hangad ng Aksyon Line na buong puso namin kayong mapaglingkuran sa abot ng aming makakaya.
Ang inyo pong lingkod ay maaari rin mapakinggan sa Radyo Inquirer DZIQ 990AM sa Programang Let’s Talk; Mag-usap Tayo, tuwing Lunes, Miyerkules at Biyernes, alas-7 hanggang alas-8 ng gabi; at Isyu ng Bayan tuwing Linggo, alas-8 hanggang alas-10 ng umaga. Maaari rin po ninyo na matunghayan o mapanood sa pamamagitan ng live streaming www.ustream.tv/channel/dziq.