ISINAILALIM na sa imbestigasyon ni Pasay City General Hospital Director Marilou Ocampo ang umano’y naganap na pagbusal ng sanitary napkin sa bibig ng isang menor de edad na nanganak sa nasabing ospital na kagagawan diumano ng isang doktor.
Ayon kay Ocampo na tumanggi sa isang live interview sa Radyo Inquirer, Huwebes ng hapon lamang niya umano nalaman ang insidente, kung kaya ngayon lamang niya ipatatawag ang mga doktor na nakaduty ng araw na nangyari ang insidente.
Lunes ng gabi nang manganak ang 16-anyos na buntis sa ospital. Sa tindi nang sakit na naramdaman habang nagle-labor ay panay ang iyak ng pasyente na sinasabing ikinainis ng doktor na nagpapaanak sa kanya. Dahil dito, pinasakan umano ng doktor ang bibig ng pasyente ng sanitary napkin para tumigil ito sa pag-iingay.
Ayon kay Ocampo, paghaharap-harapin niya ang mga naka-duty ng araw na iyon at maging ang pasyenteng nagrereklamo para matukoy kung sino ang doktor na sinasabing umabuso sa kanya habang nanganganak.
Nanindigan din si Ocampo na hindi siya mangingiming sibakin ang sinomang doktor o staff ng ospital na mapapatunayang nagkasala dahil mahigpit umano niyang ipinatutupad ang mga alituntunin ng ospital bagamat bago pa lamang siya sa kanyang pwesto.
Nangako rin ito na ilalabas ang resulta ng imbestigasyon at ang magiging rekomendasyong aksyon hinggil sa insidente sa loob ng isang linggo.
Una nang nagpahayag ang ina ng biktima na sasampahan nila ng reklamo ang doktor at ang pamunuan ng ospital ng child abuse dahil sa dinanas ng kanyang anak na menor de edad.