Itutuloy ang kapalpakan

NAKAPAGTATAKANG ngiting-ngiti si Grace Poe Llamanzares sa sinabi ni Benigno Aquino Tres (BAT) na ang babaeng ito ang magpapatuloy ng kanyang mga sinimulan, patungo sa tuwid na daan. Teka, nagkakalokohan na naman tayo. Walang magandang sinimulan si BAT at wala ring tuwid na daan, dahil pati ang mga riles ng PNR at MRT ngayon ay baluktot na rin at napuputol.

Kailanman, puro kabiguan ang pamamahala ni BAT. Sa loob ng limang taon, ang tatlong pangunahin at malalaking kabiguan ni BAT ay ang hindi nito pamumuhunan sa mass transport sa Metro Manila, at talagang sinadyang hindi mamuhunan sa napakahalagang sektor na ito. Ikalawa, walang obras-publikas (infrastructure) dahil ang binuksang tulay sa Norte na pinabayaan daw sa panahon pa ni Fidel Ramos ay hindi para sa malalaking trak ng kalakal. At ang ikatlo: ang kawalan ng integridad at kakayahan sa gobyerno.

Ang mahihirap na mga nakamotor ay nagtataka kung bakit hanggang ngayon ay walang 2015 sticker, bagong mga plaka at lisensiyang plastik. Ang lisensiyang ibinibigay ngayon ay papel, na nadudumihan, nababasa, napupunit at natutunaw, tulad ng lisensiya na ibinigay nang manungkulan si Romeo Edu sa Motor Vehicle Office, na naging Land Transportation Commission at Land Transportation Office (saglit lang ang LTC dahil maruming salita sa commission, o kikilan).

Ang ipagpapatuloy ni Llamanzares na mga sinimulan ni BAT ay ang paghihiganti sa mga kaaway, tulad ng ginawa kina Gloria Arroyo, Renato Corona, Juan Ponce Enrile (ang lumagda sa warrant of arrest ni Ninoy), Bong Revilla, Jinggoy Estrada, atbp. Ganoon ba? Kung nakakulong na ang mga ito, bakit nakalalaya pa si Jejomar Binay at ngayon ay sinisimulan na ring pasaringan at banatan ni Llmanzares?

Ang katapatan, kapag nagmula sa bibig ng tao at sinabi niya ito mismo bilang kanyang katangian, ay PR (public relations) lang. Ang katapatan ay hindi nagmumula sa bibig ng nagsasabing siya ay tapat, kundi sa taumbayan, pagkatapos ng mahabang panahon ng paglilingkod. Tapat si Joker Arroyo at hindi tapat si Manny Pacquiao, dahil inilihim niya na may injury pala siya at sumabak pa sa Fight of the Century.

Si Mar Roxas ang nagtanim, si Llamanzares ang aani. Iyan ang biruan at patutsadahan sa Liberal. Oo nga naman. Napakaraming ginawa ng asawa ni Korina, at naroon ang magbuhat ng sako ng bigas at sumemplang sa motorsiklo. Bakit hindi pa rin naniniwala ang taumbayan sa kanya? Si Roxas ba ang may diperensiya?

O ang may diperensiya ay ang kanyang mga tagapayo, consultants at PR boys? Meron ba siyang think tank o mas marami ang tauhan ng kanyang dirty tricks department? May think tank si Johnny Remulla noon at sa tatlong pupuri sa kanya, kailangan ay may dalawa (at pagka minsan ay apat pa) na hindi pupuri sa kanya. Ang hindi pumupuri sa kanya ang kanyang marubdob na pinag-aaralan.

Nagtagumpay si Remulla. Di hamak namang mas malaki ang iniunlad ng Cavite kesa Capiz, na hanggang ngayon ay hilahod pa rin sa kahirapan ang mamamayan sa kabila ng nagdaang mga lider na ang apelyido ay Roxas. Si Remulla ay tapat sa paglilingkod at ang nagsabi niyan ay mismong ang mamamayang lumuha sa kanyang pagpanaw.

MULA sa bayan (0906-5709843): Bakit nagkaroon ng malaking savings na P250 bilyon noong 2014? Pang-eleksyon ba iyan sa 2016? Maraming problema ang pamahalaan, tulad ng kakulangan sa elektrisidad at kahirapan, na puwede nang tugunan ng P250 bilyon. Dods ng Tacurong City …9382

Pabor ako na ipasa ang BBL. At kapag ipinasa na iyan at naging ganap na batas, sana’y umuwi na sa Mindanao ang santambak at araw-araw na nanganganak na mga Muslim sa Commonwealth Market sa Quezon City. Itinaboy na nila ang mga tinderong Kristiyano’t Iglesia. Ka Rudy, ng Steve st. …7655

Read more...