Pagkilala sa isang kaibigan

“MAHIRAP ipaliwanag ang mali.”
Ito ang mga katagang hindi malimutan ni Labor Attaché Bernandino Julve na madalas umanong banggitin ng yumaong si Ambassador Domingo Lucenario Jr., na tinaguraing “People’s Ambassador.”
Nabigla ang lahat, lalo pa ang mga nagmamahal kay Amba Doy, nang bumagsak ang sinasakyan niyang helicopter noong isang linggo sa Pakisatan.
Sa huling gabi ng lamay kay Amba Doy ay nagkita-kita ang mga dati niyang kasamahan sa konsulado ng Hong Kong sa pangunguna ni Labatt Julve.
Iyon din ang mga panahon na nakilala namin si Amba Doy. Hanggang sa regular na namin siyang nakasama sa radyo at telebisyon para sa programang Bantay OCW.
Kahit hindi pa kami personal na magkakilala ni Atty. Nida Lucenario, ang may-bahay ni Amba Doy, nang nakiramay kami at ako’y nagpakilala sa kanya, agad niyang sinabi na “Hong Kong days.”
Alam niya ang kuwento ng Bantay OCW sa buhay ni Amba Doy. Kaya naman kahit noon lamang niya nakilala ang mga kaibigan ni Amba Doy, hindi na siya nanibago.
Lahat ng nakakakilala kay Amba Doy, tiyak na may masasayang kuwento at magagandang mga alaala sa kaniya.
Gaya ni Labatt Julve, marami silang napagdaanaan ni Amba Doy.
Kwento ni Julve, noong babawasan umano ang suweldo ng mga OFW sa HK, hindi na nagdalawang-isip si Amba Doy na suportahan ang mga kababayan natin sa kanilang kilos-protesta.
Buong tapang itong sumama sa hanay ng mga Pilipino na humihiyaw na huwag ituloy ang bantang bawas-suweldo. Iyon daw ang panahon na kaila-ngang ipakita sa mga kababayan na kaisa sila ng mga ito sa kanilang
ipinaglalaban, dahil iyon ang tama.
Kwento pa ni Julve, minsang nagdemonstrasyon ang militanteng grupo sa harap ng konsulado ng Pilipinas sa Hong Kong, nasira ang kanilang mikropono. Nang nakita iyon ni Amba Doy, ipinahiram niya ang mikropono ng konsulado sa mga militante.
Dahil sa insidenteng iyon, umani ng respeto ang itinuturing na “People’s ambassador.”
Hindi nga niya alam na ang nasabing titulo ang ginawang pagkilala sa kanya. Yun nga lang, ngayong namatay siya saka lang ikinabit ang nasabing titulo sa pangalan niya.
Kwento naman ni Daisy Mandap, publisher ng The Sun sa Hong Kong, nang pumutok ang balita tungkol sa pagkamatay ni Amba Doy ay napaiyak silang lahat.
Nang sumunod na Linggo at isinaayos ang isang misa para kay Amba Doy sa Konsulado, wala nang nakapagsalita dahil nag-iyakan na lamang umano sila.
Ganyan kamahal ang isang Amba Doy, pero hindi ito ikinalaki ng kanyang ulo. Ang alam lang niya ay isa siyang Pilipinong nagsisilbi sa kapwa niya Pilipino saan mang bansa siya maipadala. Walang yabang, madaling lapitan.
Ngunit isa lamang ang tatak ng isang Amba Doy, bilang isang abogado at kagalang-galang na diplomat, hindi siya mapipilit magsinungaling. Katulad ng pahayag niya, mahirap talagang ipaliwanag ang mali dahil walang paliwanag para rito.

Read more...