TINGIN ng marami ay nasa panic mode na si Vice President Jejomar Binay kaya pinapasaringan na niya si Sen. Grace Poe na nakikitang bubura sa kanyang mga pangarap na maging pangulo ng bansa.
Ayon kay Binay, hindi kailangan ng bansa ang pangulo na mag-aaral pa. Ang kailangan ay may experience na sa pamamahala. Kulang na lang ay sabihin niya na siya ang dapat na maging susunod na presidente at hindi si Poe.
Hindi naman lihim na gusto talaga niyang ma-ging pangulo. Ito nga ang kanyang idinadahilan kung bakit kinakalkal ang kanyang nakaraan at bi-nabatikos ng mga inaasahang magiging kalaban niya.
At mula sa listahan ng mga napipisil na susunod na presidente, mukhang si Poe ang pinatatamaan ni Binay.
Sa tono ni Binay, tila minamaliit niya ang kakayanan ni Poe na siyang nanguna sa senatorial elections noong 2013.
Tinalo ni Poe ang anak ni Binay na si Nancy sa senatorial ranking.
Hindi man direktang pinatutungkulan, sumagot na rin si Poe sa mga tanong batay sa pahayag ni Binay.
Sabi ni Poe ang magiging lider ng bansa ay dapat ay tapat – walang bahid ng korupsyon.
Aniya, wala sa haba ng serbisyo ang batayan ng pamumuno kundi nasa kaledad ng pamumuno. Tama nga naman di ba?
At malinaw sa hindi pagsipot ni Binay sa mga pagdinig ng Senado na mayroon siyang itinatago—ang dahilan kung bakit bumaba ang kanyang rating.
Mahaba na ang tinakbo ng imbestigasyon sa Senado at napakarami na ng ipinukol kay Binay; dagdag pa rito ang freeze order na inilabas laban sa bank accounts niya at ng kanyang mga alipores.
Mula sa kanyang commercial na paglilinis ng kulungan ng baboy noong 2010 elections ay ito na ngayon, bilyon-
bilyong piso na ang pinag-uusapang tagong yaman diumano niya at ng kanyang pamilya.
Hindi naman natin sinasabi na mali ang magpayaman. Ang kuwestyon lang dito ay kung sa papaanong paraan lumago ang kayamanan?
Kung noong una ay sinasalag ni Binay ang mga alegasyon na gawa-gawa lamang, mukhang dumami ang naniwala rito ng lumabas ang freeze order.
Bilyon-bilyon ang laman ng mga bank accounts. Idagdag mo pa rito ang mga ari-arian na hindi rin biro ang halaga.
Makakaahon pa kaya si Binay mula sa kumunoy ng alegasyon ng korupsyon.
Sa paglapit ng eleksyon, hindi malabong ito ang ipukol sa kanya.
Malamang makasama rin ang eksena sa gate ng mamahaling subdibisyon sa Makati City kung saan ayaw sumunod ng magkapatid na Binay sa simpleng patakaran at ipinipilit na padaanin sila.
***
Nagbukas na ang SM sa San Mateo. At gaya nang inaasahan ay dumagsa ang tao kaya naman grabe ang trapik.
Ang pagbubukas ng mall ay senyales na umuunlad ang bayan, palagay ng marami.
Inaasahan na rin naman ang trapik na idudulot nito. Sana lang tinapos muna ang road widening sa lugar na isinabay sa pagsasaayos ng drainage system.
Naunang simulan ang pagpapalapad ng kalsada sa Gen. Luna st. kesa sa pagtatayo ng mall. Tapos na ang SM pero hindi pa tapos ang road widening.
Grabe tuloy ang trapik.
Binay nagpa-panic na
MOST READ
LATEST STORIES
Read more...