MATAPOS magkawalay sa huling tatlong taon ay muling magtatambal ang NCAA at ABS-CBN para bigyan ng kinang ang susunod na sampung taon ng pinakamatandang collegiate league sa bansa.
Nagharap ang mga matataas na opisyal ng NCAA sa pangunguna ng Policy Board President Dr. Reynaldo Vea at mga opisyales ng television network sa pamumuno ng pangulo na si Charo Santos-Concio sa ELJ Building upang lagdaan ang kontrata na magbubuklod sa dalawa sa loob ng isang dekada.
“This is the start of the 10th decade of the NCAA and our partnership will run up to the centennial of the NCAA,” wika ni Vea na ang pinamumunuang paaralan ang siyang host sa Season 91.
Noong 2002 hanggang 2011 ay magkasama ang NCAA at ABS-CBN pero sa huling tatlong taon ay lumipat sila sa TV5.
Ipinaliwanag ng Season 90 president Dr. Vincent Fabella ng Jose Rizal University na nagpulong ang pamunuan ng liga at nagkaisa na bumalik sa network dahil ramdam nila na malaki ang kanilang maitutulong para mapalago ang liga at mga sports ayon sa kanilang mithiin papasok sa ika-100th anibersaryo ng liga.
“What we were looking for is a long-term partnership, which had the focus of developing and growing the NCAA brand. When ABS-CBN came around and made their presentation, we knew that they took it by heart and that was the selling point,” pahayag naman ni Fabella.
Hindi binanggit ang kabuuang halaga ng kontrata pero tinatayang hindi ito bababa sa P200 milyon.
“Together with our renewed partnership with the NCAA, we look forward with excitement inbuilding the league and the tournament,” tugon ni Dino Laurena, ang ABS-CBN head for integrated sports.
Dahil sa network din ipalalabas ang mga laro sa UAAP, nagpalit ng playdates ang NCAA na mapapanood na tuwing Martes, Huwebes at Biyernes.
Sa Hunyo 27 magbubukas ang bagong season sa Mall of Asia sa Pasay City at ang five-time defending champion San Beda ay kalaro ng Mapua sa unang tagisan sa ganap na alas-2 ng hapon bago sundan ng tapatang Arellano University at JRU dakong alas-4 ng hapon.
Ang The Arena sa San Juan City ang isa pang venue na pagdarausan ng bakbakan.