Mga Laro sa Huwebes
(JCSGO Gym)
1 pm. AMA University vs MP Hotel
3 p.m. Liver Marin vs Jumbo Plastic
Team Standings: *Cebuana Lhuillier (7-1); *Café France (7-2); xCagayan Valley (5-3); xHapee (5-3); Kera Mix (4-4); Jumbo Plastic (3-4); Tanduay Light (3-5); AMA University (3-5); MP Hotel (1-5); Liver Marin (1-7)
* – semifinals
x – quarterfinals
SINELYUHAN ng Café France ang ikalawang upuan sa semifinals habang tinapos ng Hapee ang pagpapanalo ng Cebuana Lhuillier sa 2015 PBA D-League Foundation Cup kahapon sa The Arena sa San Juan City.
Nag-init ang opensa ng Bakers mula ikalawang yugto para iwanan ang Jumbo Plastic tungo sa 83-72 panalo.
Si Eloy Poligrates ay mayroong 16 puntos habang sina Marerick Ahanmisi, Bong Galanza at Samboy de Leon ay nagsanib sa 40 puntos para angkinin ng Bakers ang ikapitong panalo matapos ang siyam na laro para umabante na sa semifinals katulad ng Cebuana Lhuillier.
“Patuloy ang pagganda ng laro ng team at masaya kaming lahat na naabot namin ang aming unang goal. Kailangan pang mag-improve dahil ang next goal ay pumasok sa finals at sana ay maging champion,” wika ni Bakers coach Edgar Macaraya.
Ang Giants ay bumaba sa 3-4 karta at kailangang maipanalo ang huling dalawang laro para manatiling kapit ang mahalagang ikaanim na upuan na aabante sa quarterfinals.
Dinungisan naman ng Hapee ang naunang malinis na karta ng Gems sa 71-70 panalo sa ikalawang laro.
May 18 puntos si Baser Amer at ang huling dalawang puntos ang siyang nagbigay ng isang puntos na kalamangan sa Fresh Fighters sa huling 16.3 segundo.
Naglatag ng magandang depensa ang Hapee upang maubos ang oras sa pag-dribble ni Moala Tautuaa para sa 7-1 karta.
Umakyat ang Hapee sa 5-3 para makasalo ang pahingang Cagayan Valley sa mahalagang ikatlo at ikaapat na puwesto na magtataglay ng twice-to-beat advantage sa quarterfinals.