PINAPAARESTO ng Senado ang 14 na katao, kasama na ang umano’y bagman ni Vice President Jejomar Binay matapos silang i-contempt ng isang panel.
Sa kabila na dalawang senador lamang ang dumalo, inaprubahan ng Senate blue ribbon committee ang rekomendasyon ng subcommittee nito para i-contempt ang 14 na indibidwal matapos tumangging dumalo sa pagdinig kaugnay ng umano’y mga katiwalian ni Vice President Jejomar Binay.
Tanging sina Sen. Teofisto Guingona III, chairman ng committee at Sen. Aquilino “Koko” Pimentel III, ang chairman ng subcommitte ang dumalo para pagdesisyunan ang naging rekomendasyon ng huli.
Si Pimentel din ang siyang nagrekomenda para arestuhin ang 14 na katao.
“By virtue of the Section 18 of the rules of the Senate governing investigations in aid of legislation, I hereby find the following in contempt of the Senate,” sabi ni Guingona.
Kabilang sa mga pinapaaresto ay ang umano’y bagman at dummy ni Binay na si Gerry Limlingan.
Bukod kay Limlingan, pinapaaresto rin sina Vissia Marie Aldon, Danilo Villas, Aida Alcantara, Hirene Lopez, Irene S. Chong, Imee S. Chong, Kim Tun S. Chong, Irish S. Chong, Erlinda S. Chong, Kimster S. Chong, Anne Lorraine Buencamino-Tiu, James L. Tiu, at Antonio L. Tiu
Orihinal na inirekomenda ni Pimentel na arestuhin ang 19 na indibidwal, bagamat 16 na pangalan lamang ang binasa ni Guingona.
Kasama sa orihinal na listahan sina Eduviges “Ebeng” Baloloy, Engineer Line Dela Pena at Bernadette Portallano.
Pinaalis naman ni Pimentel sa listahan sina Tomas Lopez at Engineer Mario Badillo.