Kentex: Ika-3 sweatshop na nasunog

IPATATAWAG ngayong araw ni Labor Secretary Rosalinda Baldoz ang mga may-ari ng Kentex Manufacturing Corp. na sina Beato Ang at Ong King Guan. Ipatatawag din si Cynthia Dimayuga ng CJC Manpower Services na siya umanong “recruiter” ng mga nasawing manggagawa na wala umanong DOLE accreditation.
Kasama rin sa ipinatawag ay si DOLE-NCR director Alex Avila na nag-iisyu ng mga Certificate of Compliance sa ganitong mga pabrika.
Nauna namang ni-relieve ng DILG-Bureau of Fire Protection ang fire marshal ng Valenzuela na si Supt. Mel Jose Lagam at si Ed-Groover Oculam na hepe ng Fire Safety Enforcement Section na ang tungkulin ay magsagawa ng tuloy-tuloy na fire inspections sa lungsod.
Malagim ang nangyaring trahedya at maraming problema ang nabilad sa nguso ng mga otoridad.
Walang smoke at fire alarm at kahit kailan ay hindi nagsagawa ng fire safety drill sa pabrika ng Kentex sa Bgy. Ugong, Mapulang Lupa.
Wala rin daw itong fire exit, at sa halip dalawang gate lang – isa para sa tao sa harapan ng pabrika at ang isa ay para sa truck na nasa likod.
Nang mangyari ang sunog, naka-lock ang gate sa likod kaya hindi nakalabas ang karamihan sa mga biktima.
Wala ring mga “label” ang mga sako-sakong kemikal sa loob ng pabrika tulad ng “Super Seal”, isang uri ng rubber emulsifier na nadilaan ng “spark” ng welding kayat nagliyab. Wala na ngang fire exit, naka-grill at naka-chicken wire pa ang lahat ng bintana na hindi kayang sirain sa panahon ng “emergency”.
Paano nabigyan ng fire safety certification ng BFP-NCR nina Lagam at Oculam ang ganitong maramihang paglabag ng Kentex? Baka naman nagbulag-bulagan ?

Nakakapikon din na ang Kentex ay binigyan ng “Certificate of Compliance” ng DOLE-NCR noong Sept 18, 2014. Compliant daw ito o tumutupad daw ito sa “general labor standards and occupational safety and health standards” sa pagsusuri ng Labor Laws Compliance Officers.
Satisfactory condition din daw ang dalawang boiler ng Kentex sa isinagawang technical inspection noong Enero 30, 2014.
Paanong tumutupad sa labor standards ang kumpanyang “pakyawan” ang trabahador?
Ayon sa mga survivors, limang buwan ang kontrata at 12 oras ang trabaho sa mainit at walang maayos na bentilasyong pabrika. Ang pasweldo ay P202 plus P187 hanggang P220 na allowance depende sa dami ng tsinelas na mabubuo.
Regular ka kung 20-25 years na sa trabaho, Casual kung mahigit 10 years at endo o pakyawan kung bago. Idagdag mo pa rito ang illegal na pag-recruit ng CJC Manpower na walang akreditasyon sa DOLE.

Kung susuriin, dapat sibakin din ni Baldoz itong DOLE-NCR director Alex Avila at lalo na itong si Director Andrea Cabansag, Director II ng DOLE NCR CAMANAVA field office na siyang direktang may responsibilidad sa Valenzuela at sa Kentex factory.

Maliwanag na hanggang ngayon ay talamak pa rin ang mga labor sweatshops na katulad ng Kentex na hindi hinuhuli dahil sa kapabayaan ng DOLE at BFP, at kasakiman ng kanilang mga may-ari. Ilang buhay pa ba ang mamamatay muli sa mga sweatshops na ito?

Noong Mayo 9, 2012, 17 obrero ng Novo Jeans and Shorts sa Butuan city ang namatay sa sunog.
Abril 30, 2014 naman ay walong babaeng manggagawa rin ang nasawi sa “electronics sweatshop” ng Asia Micro Tech sa Pasay City. At nito ngang Mayo 14, 72 ang namatay sa “slippers sweatshop” sa Valenzuela.
Maniniwala pa ba tayo sa mga sinasabi nitong DOLE at BFP? Makonsensya naman kayo!

Read more...