Nora Aunor, ‘Dementia’ wagi sa France film fest

KINILALA na naman ang talento ng mga Pilipino matapos magwagi sa film festival sa South Korea at sa south France.

Dalawang parangal ang naiuwi ng psychological thriller na “Dementia” na pinagbibidahan ni Superstar Nora Aunor sa Saint-Tropez International Film Festival, na ginanap sa France noong Mayo 16.

Tinanghal na best foreign language film ang “Dementia”  habang si Nora naman ay nagwagi bilang best actress in a foreign language film.

Samantala, panalo naman si Emilio Garcia bilang  best supporting actor sa foreign language film award para sa pelikulang  “Magkakabaung.”

“I am so glad to win two awards,” ayon sa direktor ng “Dementia” na si Perci Intalan.

“I was already content when Ate Guy (Aunor’s nickname) won. Winning best foreign language film was a great bonus, especially since I initially felt daunted by the other competing filmmakers after meeting them at the awards night,” ayon kay Intalan.

Ayon kay Aunor, early gift umano ang pagkakapanalo ng pelikula, para sa kanyang kaarawan sa Mayo 21.

Dadalo rin si Aunor sa Linggo para sa Cannes International Film Festival, kung saan ang pelikulang kanyang pinagbidahan na “Taklub” ay kalahok sa Un Certain Regard section.

“I was so happy to receive the good news from our talented director himself,” dagdag pa ni Aunor sa panayam ng Inquirer.

Sa isang linggo ay lalaban din ang “Dementia” sa Soho International Film Festival sa New York.

Una ring nanalo ang “Dementia” sa Gold Remi para sa  horror/fantasy section ng 48th World Fest Houston International Film Festival sa Texas noong Abril.

Samantala, nanalo rin ang “Children’s Show” ni Roderick Cabrido.  Iniuwi nito ang grand prize sa Asia-Pacific Young Filmmakers Awards of the Gwangju International Film Festival, na ginanap sa South Korea noong Mayo 16.

 

Read more...