Nakasama namin sa piyesta sa aming nayon sina Mark Neumann at Akihiro Blanco. Ano pa nga ba ang maaasahan kapag ganu’n kaguguwapo ang mga artistang dumarating sa isang baryo?
Pinagkaguluhan sina Mark at Akihiro, kaliwa’t kanan ang mga nagpapa-picture taking sa kanila, mukhang magandang pahimakas ‘yun sa pagpapalabas ng Baker King bukas nang gabi sa TV5.
Marami na kaming nakakasama sa mga shows sa probinsiya, may mababait na artista, meron din namang mga nagsasakit-sakitan ng ulo para lang makaligtas sa pagkakagulo-pagpaparetrato ng kanilang mga tagahanga.
Isasama na namin ngayon sina Mark at Akihiro sa listahan ng mga personalidad na walang kaarte-arte sa katawan. Lagi silang may panahon para sa mga fans na lumalapit sa kanila, bigay na bigay at hindi pilit ang mga ngiti ng magkaibigan at magkasamang aktor sa Baker King, marunong silang magpahalaga sa mga sumusuporta sa kanilang career.
Sabi nga ni Roel Caba, ang aming kaibigan, “Kanin na lang ang kukunin ko, may mga ulam na ako.” Sa malapitan ay mas lumulutang ang kaguwapuhan nina Mark at Akihiro.
Lalo pa silang gumuguwapo dahil sa pagiging maestima nila sa mga tagahangang lumalapit sa kanila. Masarap importahin sa mga shows sa probinsiya ang dalawang guwapong aktor ng TV5 dahil hindi mo na sila kailangan pang asikasuhin.
Hindi na rin sila kailangang paalalahanan kung ano ang gagawin sa kanilang pagpe-perform. Baguhan pa lang kung tutuusin pero parang alam na alam na nila agad ang mga paraan para pasayahin ang mga taong nagigiliw sa kanila.
Ang Baker King ay ipalalabas na bukas, May 18, alas nuwebe y medya nang gabi sa TV5. Si Mark Neumann ang gumaganap na bida at kasama niya sa panaderya ang kanyang kaibigang si Akihiro.
Ang Baker King na nangunang Korean novela nu’ng 2010 ay may Filipino adaptation na ngayon. Sa unang pagkakataon ay ang TV5 ang nakakuha ng oportunidad na isalin sa ating wika ang sikat na Korean telenovela.