PAYAG mag-pose ng naka-two piece bikini ang Kapuso leading lady na si Janine Gutierrez sa mga glossy magazine.
Pero mabilis niyang sinabi na para lang ito sa mga fashion magazine at hindi sa mga men’s mag tulad ng FHM. Marami-rami na ring nagawang pictorial si Janine para sa mga fashion magazine na medyo sexy pero todo tanggi pa rin siyang magpa-pictorial para sa men’s magazine.
“Ayoko talaga, wala akong balak. Ayokong nagsasalita nang tapos, pero sa ngayon talaga, I’m not really interested. Naniniwala kasi ako na kapag hindi mo feel, huwag mong ipilit kasi baka magsisi ka lang sa huli.
Tsaka baka magalit si papa!” paliwanag ng girlfriend ni Elmo Magalona na ang tinutukoy ay ang father niyang si Ramon Christopher.
In fairness, may ilang kopya kami ng mga magazine kung saan naging cover girl na si Janine at talagang napahanga niya kami sa kanyang pictorial. Bilib kami sa projection ng dalaga dahil naiiba-iba niya ang kanyang itsura sa bawat litratong nakita namin. Ito nga ang dahilan kung bakit siya ang tinaguriang “Fashion Muse”.
At tulad ng ilang komento ng kanyang mga fans, nakikita namin ang Hollywood actress na si Anne Hathaway sa ilang pictorial niya, lalo na yung ginawa niya para sa Preview (May issue).
Ayon kay Janine, karamihan sa mga naglabasang pictorial niya ay kuha ng batikang photographer na si BJ Pascual.Nagkaroon din ng thanksgiving party si Janine kamakailan sa Green Sun’s SOMA para sa lahat ng nagtitiwala at sumusuporta sa kanyang showbiz at fashion career.
“Preview is my first solo cover for a fashion magazine. And super saya nito kasi dream ko talagang mag-cover sa Preview. Siguro parang isa siya doon sa mga bagay na dream lang ng lahat ng babae or like when you were a little girl, ‘di ba?” pahayag ni Janine.
Dagdag ng dalaga, “Masuwerte ako kasi yung team na kasama ko kapag pictorial, sila-sila palagi. Sobrang gaan nila katrabaho. Sila talaga yung reason kung bakit maganda yung mga shoot.
“I really can’t take any credit for it kasi ‘di ba, kapag shoot maraming pre-prod. May concept, may styling, eh dadating ka lang naman, so parang ako na yung least na pwedeng mag-take credit para doon,” dagdag pa ng anak ni Lotlot de Leon.
Samantala, naikuwento sa amin ni Janine sa pocket presscon na ibinigay sa kanya ng GMA Artist Center na napakasaya ng naging bakasyon nila ni Elmo sa Coron, Palawan kamakailan.
First time raw nilang nakarating as Coron at pareho raw silang na-in love ni Elmo sa ganda ng nasabing isla. Mas lalo pa raw nilang nakilala ni Elmo ang isa’t isa matapos ang kanilang Palawan trip.
Wish nga ni Janine, sana raw sa susunod na project niya sa GMA ay si Elmo pa rin ang maging leading man niya. At wish niya, sana raw ay drama uli ang ibigay sa kanila ng GMA 7 para mas ma-challenge uli siya.
Nalaman namin na baka sa third quarter na ng taon babalik sa teleserye si Janine pero hindi pa nga malinaw kung si Elmo pa rin ang makakatambal niya.
Pero sey ng dalaga, okay lang naman daw kung iba na ang itambal sa kanya, alam naman niyang walang permanent loveteam sa showbiz.
Napapanood pa rin naman si Janine sa ilang shows ng GMA at regular din siyang host-performer sa Sunday All Stars.