Sa pagitan ng pag-arte ay kumuha siya ng Culinary Arts, nag-aral siya ng pagluluto, plano niyang magtayo ng restaurant uli sa mga darating na panahon.
Kung matatandaan ay minsan na niyang pinasok ang pagre-restaurant, ilang taon ding tumagal ‘yun, pero aminado si Ara na wala pa siyang gaanong kaalaman noon sa linyang pinasok niya.
“Marunong akong magluto, hilig ko talaga ang magluto nang magluto.
Pero ang talagang pinag-aralan kong mabuti ngayon, e, baking.
Maipagmamalaki ko na ang mga cakes at pastries na pinag-aralan ko, du’n ang concentration ko ngayon, kung ano-anong experiment na ang nagagawa ko.
“Marami kaming nag-aral, mga fifteen kaming artista, nagkasundo kaming pumasok sa isang Culinary School dahil hindi naman ganu’n ka-stable ang pag-aartista.“Salamat kung may project ka ngayon, pero hindi naman ‘yun palagian, may mga pagkakataong ilang buwan na ang nakalilipas na wala ka namang work.
So, magandang fall back ito para sa amin,” kuwento ng maganda pa ring si Ara Mina.
Ayaw muna niyang pag-usapan ang kanyang lovelife, pero alam namin kung sino ang binatang nagpapaganda palagi sa gising niya sa umaga, maligaya ngayon si Ara Mina.
Ang tanging sinabi lang ng singer-actress, “Hindi naman kasi lahat, e, ibibigay sa atin ni God.
Kung malungkot man ang isang aspect ng buhay natin, meron pa ring bumabalanse du’n.
“I would say na maligaya ako ngayon, siya ang gift sa akin ni God, maraming salamat sa gift of love na tinanggap ko at siya ‘yun,” nakangiting sabi pa ni Ara Mina tungkol sa lalaking mahal niya at nagmamahal sa kanya nang tapat.