MAGANDANG araw sa Aksyon Line.
Isa po akong empleyado. Isang accountant sa construction company dito sa San Jose del Monte. May nabalitaan po ako tungkol sa PESO program ng SSS. Gusto ko sanang malaman kung maaari akong sumali sa SSS-PESO?.
Ito po ba ay katulad din sa bangko na maaaring i-withdraw kahit kailan? Paano po mag-aplay at magkano ang initial contribution at magkano rin ang monthly contribution? Sana ay masagot n’yo ang aking mga katanungan.
Salamat po.
Emelita Salcedo
Tungko, San Jose Del Monte, Bulacan
REPLY:
Lahat ng miyembro ng SSS na 54 anyos pababa at mayroong anim na buwang magkakasunod na contribution sa ilalim ng regular na SSS program sa loob ng nakaraang 12 buwan bago ang enrollment ay maaaring sumali sa SSS-PESO Fund Program.
Magsisimula ang membership ng isang miyembro sa mismong buwan ng kanyang unang contribution sa SSS PESO Fund.
Sa halagang P1,000 na inisyal na contirbution at minimum na P1,000 sa mga susunod na kontribusyon, maaaring maglagak ng hanggang P100,000 kada taon ang bawat miyembro ng SSS-PESO Fund,
Para sa pilot implementation ng SSS-PESO Fund, maaaring mag-apply ang interesadong SSS member sa mga sumusunod na NCR branches: Diliman, Cubao, San Francisco Del Monte, Pasig-Shaw, Mandaluyong, Taguig, Makati-Gil Puyat, Alabang, Legarda, Pasay-Roxas Boulevard.
Simula Setyembre 2015, tatanggap na ang lahat ng SSS branches sa buong bansa ng applications sa SSS-PESO Fund. Iaaanunsyo nito kung kailan maaaring magpatala dito online gamit ang My.SSS portal.
Ang mga refunds, withdrawals o benefit claims ay maaring i-credit sa single savings o current account ng member sa isang SSS depository bank. Bawal ang maagang terminasyon ng membership.
Lahat ng employed members ay maaaring sumali sa SSS-PESO Fund anuman ang halaga ng kanilang monthly contribution, samantalang ang self-employed, voluntary at OFW members ay kailangang magbayad ng maximum SSS contribution para makasali sa programang ito. Kailangan ding mayroong kasabay na SSS contribution sa tuwing maghuhulog sa SSS PESO Fund account.
Magsadya sa pinakamalapit na SSS ang mismong miyembro para pirmahan at isumite ang application form sa SSS PESO Fund.
Ms.Lilibeth Suralvo
senior officer,media affairs department
SSS