Barako Bull, Alaska target ang ika-3 panalo

Mga Laro Ngayon
(Ynares Center, Antipolo)
4:15 Talk ‘N Text vs Barako Bull
7 p.m. Alaska vs Rain or Shine

MASUNGKIT ang ikatlong sunod na panalo na maghahatid sa itaas ng team standings ang asinta ngayon ng Barako Bull Energy at Alaska Aces sa pagpapatuloy ng 2015 PBA Governors’ Cup elimination round ngayon sa Ynares Center sa Antipolo City.

Unang sasalang sa ganap na alas-4:15 ng hapon ang Energy na makakaharap ang Talk ‘N Text Tropang Texters.

Sa ikalawang laro na isasagawa ganap na alas-7 ng gabi ay makakasukatan ng Alaska Aces ang Rain or Shine Elasto Painters.

Ang Barako Bull ay galing sa dalawang sunod na panalo kontra NLEX Road Warriors (101-96) at Blackwater Elite (105-90).

Ang Energy ay pinangungunahan ng import nitong si Liam McMorrow at suportado siya nina JC Intal, Carlo Lastimosa at Dylan Ababou.

Ang Tropang Texters ay manggagaling sa panalo kontra Barangay Ginebra Kings, 95-91.

Namuno sa panalo ng Talk ‘N Text ang import nitong si Steffphon Pettigrew na nagtala ng 33 puntos at 12 rebounds.

Maliban kay Pettigrew, sasandalan din ng Tropang Texters sina Danny Seigle, Matthew Ganuelas-Rosser at Asian import Sam Daghles.

Ang Alaska ay magmumula naman sa pagwawagi laban sa Blackwater (106-80) at Barangay Ginebra (108-99).

Ang Aces ay pamumunuan ng import nitong si Romeo Travis at makakatuwang niya sina Chris Banchero, Jayvee Casio, Calvin Abueva at Cyrus Baguio.

Ang Rain or Shine, na nakalasap ng 104-91 pagkatalo sa San Miguel Beermen sa kanilang unang laro, ay sasandig sa import nitong si Wendell McKines at top local players na sina Paul Lee, Gabe Norwood at JR Quiñahan.

Samantala, pinangalanan naman bilang bagong commissioner ng PBA si Chito Narvasa.

Ang pagkakatalaga kay Narvasa ay inihayag kahapon matapos ang special board meeting sa PBA office sa Libis, Quezon City.

Papalitan ni Narvasa si Chito Salud, na itinalaga bilang kauna-unahang PBA president at CEO.

Read more...