AYAW ng mabababang ranggo na mga sundalo sa minamadaling panukala, todo-hilot at pang-Sonang BBL (Bangsamoro Basic Law). Mas matindi pa raw ito kesa MOA-Ancestral Domain in Gloria Arroyo, na ibinasura ng Korte Suprema. Pero, walang tinig, hindi pinakikinggan at walang karapatang maghayag ng saloobin at opinyon ang mga corporal, private first class at sarhento.
Ang “obey first before you complain” ay sanda-ling umiral lamang noong panahon ni Corazon Aquino, dahil pinakinggan, noong simula, ng ale ang saloobin ng mabababang ranggo, dahil hindi ang mga ito pinakinggan ni Ferdinand Marcos. Simula kay Fidel Ramos hanggang kay BAT (Benigno Aquino Tres), ang umiiral ay “obey first and do not complain.” Ang nakapagrereklamo lamang ay ang mga balo, pero bi-nabalewala sila ng media, hanggang sa patayin nang walang kalaban-laban ang SAF 44.
Dalawang bagay ang ayaw ng mga sundalo, Kristiyano man o Muslim: ang pagbibigay kapangyarihan sa gobyernong Bangsamoro (biglang na-ging dalawa ang gobyernong kanilang gagalawan, ang gobyerno ng Pilipinas at gobyerno ng Bangsamoro) at “responsibilidad” sa “public order and safety” sa nasasakupang bagong teritoryo na pagtitibayin ng mga hungkag at magnanakaw na mga politiko para lamang sa pagnanasa ng laos; at ang mandatong kasunduan na tinawag na “coordination protocol agreement,” na ang utos ay magpaalam muna ang Armed Forces kung ibig pumasok sa Bangsamoro nation.
May mga squad at platoon sa AFP na kinabibilangan ng mga Muslim. Dahil sa mandatong kasunduan, hindi sila papayagang pumasok sa anumang bahagi ng Bangsamoro nation kung ang kanilang mga pangalan ay may hidwaang rido sa loob. O kundi’y papasukin sila para lamang patayin ng patraydor. Talo ang sundalo, panalo ang Moro.
Hindi alam ng magnanakaw na mga politiko ang kalakaran sa lupa ng Moro. Hindi rin ito alam ng mga PMAyer. Kaya kapag “ibinala sa kanyon” ang mabababang sundalo, tepok agad na parang lamok na nakasinghot ng katol. Ganyan ang nangyari sa SAF 44, na ibinala na nga sila sa kanyon, pinabayaan pa dahil sa tinamanang usapan pangkapayapaan.
Hinggil sa “public order and safety,” ang pananaw ng mga sundalo ay base sa iniaatas ng kanilang mga opisyal, na ibinabase rin sa tinamang human rights. Napakaraming human rights ng mga komunista at Moro, walang human rights ang mga sundalo, kaya puwede na silang patayin at pugutan ng ulo. Hanggang ngayon ay hindi pa mahulaan at maarok ang “public order and safety” ng Moro, kung meron man sila nito, o babalangkasin pa lamang ng mga opisyal na nagtatago sa napakaraming alyas.
Urong-sulong, at sabihin nang masama ang isip ng taumbayan kung bakit. Maaaring naghihintay ng lagay ang magnanakaw na mga kongresista, o nag-iipon pa ng boboto para pumasa ito at masiyahan si Benigno Aquino Tres. Hindi masisisi ang taumbayan kung bakit ganyan ang kanilang pakiwari. Bumubuwelta lang ang bangungot ng Corona at RH.
Higit sa lahat, nahulog sa silya ang mga sundalo sa Mindanao nang mabalitaang hinirang sa mataas na puwesto sa Commission on Elections ang di kilalang abogado, na malapit sa MILF. Hindi siya kilala ng mga taga-Malacanang. Hindi rin siya opisyal ng Comelec-ARMM at di rin siya opisyal ng Civil Service Commission-Cotabato. At sa kanya ipagkakatiwala ng mga sundalo ang halalan?
Hindi naman napupuno ng grasya si Grace Poe. Pero, umaapaw ang grasya sa kanya mula kay BAT (Benigno Aquino Tres, eh ano ngayon, paborito naman niya ang mga tao na napakaraming alyas). Natatawa lang ako. Hi-hi-hi. Natatawa lang ako dahil masaya’t maaliwalas ang kanyang mukha nang tanghalin siyang alternative candidate. Sa Barangay Santa Rosa 1, Marilao, Bulacan, ang alternative candidate ay reserbang gulong ng jeepney na pumapasada ng Marilao-San Jose Road, kalbo pa! Ha-ha-ha.
MULA sa bayan (0906-5709843): Ang MILF lamang at Malaysia ang matutuwa sa BBL. Hindi kaming MNLF. Abbas …7651