PNoy walang oras para makipagsagutan sa nanay ni Mary Jane Veloso

celia veloso
SINAGOT na rin kahapon ni Pangulong Aquino ang mga patama sa kanya ng nanay ni Mary Jane Veloso sa pagsasabing hindi niya aaksayahin ang oras sa pakikipagsagutan kay Aling Celia.

“Importante sa akin, ano ba ang magagawa natin para mapangalagaan yung buhay nitong si Mary Jane lalung-lalo na para doon sa mga anak niya,” sabi ni Aquino sa panayan ng Bombo Radyo.

Matatandaang binanatan ni Aling Celia si Aquino sa pagsasabing maniningil ang kanyang pamilya sa administrasyon.

“Doon sa nanay naman po ni Mary Jane, basta ako ito na lang ang sasabihin ko, ano: May obligasyon tayong pangalagaan ang kapakanan ng lahat ng Pilipino at iyon po ang ginawa ng gobyerno mula pa nang 2011,” ayon pa kay Aquino.

Sinabi pa ni Aling Celia na hindi siya magso-sori kay Aquino hanggat hindi napapauwi ang kanyang anak sa bansa.

“Kung palagay ng nanay niya kulang ang ginawa namin, basta ako, hindi ko na aaksayahin ‘yung oras ko na makipagsagutan,” giit ni Aquino.

Bagamat ipinagpaliban ang bitay kay Mary Jane, iginiit naman ng Indonesia na hindi pa rin siya ligtas sa firing squad.

Read more...