Paggaling ng balikat tututukan ni Pacquiao

manny pacman

PANGUNAHING pagtutuunan ni Manny Pacquiao ang mapagaling nang husto ang inoperahan na kanang balikat.

Dumating si Pacquiao sa Pilipinas alas-3:46 ng madaling araw kahapon lulan ng PAL 103 at nagsagawa siya ng press briefing sa VIP lounge ng Ninoy Aquino International Airport Terminal 2.

“After four weeks ay magre-rehab na ako. After six months, I expect full recovery of my shoulder,” wika ni Pacquiao na hinarap ang mga mamamahayag na naka-sling ang kanang balikat matapos operahan ang punit sa kanyang rotator cuff.

Hindi pa rin alam ni Pacquiao kung magreretiro na siya at matutugunan niya ito sa magiging pakiramdam matapos maghilom ang injury.

Galing si Pacquiao sa paglasap ng unanimous decision pagkatalo kay Floyd Mayweather Jr. noong Mayo 3 sa labang nakitaan ng pagiging agresibo ng Pambansang Kamao kahit may injury na nangyari tatlong linggo bago ang megafight na ito.

Naniniwala pa rin si Pacquiao na siya ang nanalo sa laban na paulit-ulit niyang pinanood.

“Pinanood ko iyong laban at para sa akin, panalo ako by two points,” wika ni Pacquiao na sinuportahan ang pahayag ng pagsasabi na hindi siya nabugbog kahit na noong third round ay nanakit na ang kanyang injury.

Wala pang anumang plano si Pacquiao kundi ang samahan ang Kia Carnival sa kanilang kampanya sa PBA Governors’ Cup. Galing sa malaking panalo ang koponan sa San Miguel Beer sa kanilang unang laro at kagabi ay hinarap ang crowd favorite Barangay Ginebra.

Hindi naman kailangan ni Pacquiao ang mag-isip kung sino ang kanyang sunod na haharapin sa ring dahil tiyak ang pagdating ng limpak-limpak na salapi bunga ng mainit na pagtanggap ng mahihilig sa boxing fans sa huling laban.

Nasa 4.4 million buys ang pay-per-view  at inaasahang papalo sa $400 milyon ang kita nito na rebenyu mula Estados Unidos lamang.

Nilamon nito ang mga dating record sa aspetong ito na 2.48 million buys sa laban ni Mayweather at Oscar De La Hoya noong 2007 at ang $150 milyong kita sa tapatan nina Mayweather at Canelo Alvarez noong 2013.

Inaasahan na nasa $500 milyon ang magiging kabuuang kita ng laban na hinintay na mangyari limang taon na ang nakalipas para tumayo rin bilang pinakamalaki sa kasaysayan ng boxing.

Read more...