AMINADO ang Forevermore lead stars na sina Enrique Gil at Liza Soberano na malaki ang naging papel ng top-rating romantic drama series ng ABS-CBN sa pagbabago ng kanilang mga buhay bilang aktor.
Kaya malaki ang kanilang pasasalamat ngayong magtatapos na ang Forevermore sa May 22 (Biyernes). “Nagpapasalamat kami sa lahat ng mga manonood na sumusubaybay sa love story nina Xander (Enrique) at Agnes (Liza).
Dahil sa tagumpay ng Forevermore, mas na-inspire ako magtrabaho at maging mas magaling na aktor,” pahayag ni Enrique. “Ang laki ng pagbabago na dinala ng Forevermore sa buhay ko.
Bukod sa dito ako mas nakilala ng tao, ang dami kong na-discover tungkol sa sarili ko at sa showbiz,” ani Liza. Nang tanungin naman kung ano dapat abangan ng TV viewers sa huling dalawang linggo ng Forevermore, sabi ni Liza na tiyak na kikiligin ang lahat sa teleserye.
Aniya, “Dapat tutukan ng lahat kung magkakabalikan ba sina Agnes at Xander, at kung tunay na nagtatagal ang tunay na pag-ibig.” Mula nang umere ito noong Oktubre, 2014, gabi-gabi nang humataw ang Forevermore sa national TV ratings dahil sa maganda at nakakakilig na kwento ng mga karakter nina Enrique at Liza, na ngayon ay naghahanda na para sa kanilang upcoming movie sa Star Cinema na “The Bet.”
Patunay din sa tagumpay ng Forevermore ang pagiging sikat na tourist spot ng Sitio Pungayan sa Sto. Tomas, Benguet, o mas kilala sa tawag na La Presa, ang lugar kung saan nabuo ang pag-iibigan nina Xander at Agnes.
Dahil sa ganda ng kwento ng teleserye, nagsimula na ring umere ang Forevermore sa bansang Kazakhstan, at malapit na rin itong mapanood sa iba pang bansa kabilang ang Cambodia, Vietnam, at ibang bahagi ng Africa.
Huwag palampasin ang huling dalawang linggo ng Forevermore, gabi-gabi, pagkatapos ng Nathaniel sa ABS-CBN Primetime Bida. Siyempre, kasama pa rin sa serye sina Joey Marquez, Irma Adlawan, Lilet, Marissa Delgado, Erich Gonzales at marami pang iba, sa direksiyon ni Cathy Garcia-Molina.
Samantala, ang kailangang abangan ngayon ng libu-libong tagasubaybay ng Forevermore ay kung magpapatuloy ang pagliligaw ni Enrique kay Liza ngayong matatapos na nga ang kanilang serye.
May mga nagsasabi kasi na para lang sa kanilang soap opera kaya nagkakaligawan ang dalawang Kapamilya stars, pero mismong si Liza na ang nagsabi na feeling naman niya ay totoo ang ginagawang panunuyo sa kanya ng ka-loveteam.
Naniniwala siya na hindi manloloko si Enrique at napi-feel naman daw niya na totoong-totoo ang ipinapakitang kabaitan sa kanya ng binata.
Ayon naman kay Enrique, handa siyang maghintay kung kailan magiging handa si Liza sa pakikipagrelasyon. Pareho pa naman daw silang mga bata kaya hindi kailangang magmadali.
Mas maganda nga raw ‘yung magsimula sila sa pagkakaibigan para mas tumibay ang pundasyon ng kanilang samahan.