TATLO katao, at hindi lima, ang kumpirmadong nasawi habang patuloy na tinutupok ng apoy ang isang pabrika ng tsinelas sa Tatalon st., Barangay Ugong, Valenzuela City.
Sa isang ulat, sinabi Supt. Crispulo Diaz, ng Bureau of Fire Protection (BFP)-NCR na nasawi ang mga biktima dahil sa suffocation.
Bukod sa mga nasawi, tinatayang mahigit sa 100 manggagawa umano ang na-trap sa natutupok na pabrika ng Havanas Sandals, ayon kay Barangay Ugong desk officer Solomon Cabanez.
Sinabi ng manggagawang nagngangalang Ema, na nagawang makatakas mula sa sunog na tanging ang mga trabahador mula sa unang palapag ang nakaalis sa pabrika.
Aniya, nakulong ang mga kasamahan niyang empleyado sa ikalawang palapag.
Itinaas na sa Task Force Charlie ang sunog, na nangangahulugan na lahat ng trak ng bumbero sa Metro Manila ay dapat nang tumulong para maapula ang apoy.
Hanggang ngayon ay inaalam pa ang sanhi ng sunog.