Kahit talo, Pacquiao umuwi sa Pinas na taas-noo

ILANG oras matapos makabalik sa bansa, hinarap ni boxing hero Manny Pacquiao ang publiko na taas-noo sakabila ng kanyang pagkatalo sa Amerikanong boksingerong si Floyd Mayweather Jr.

Sa breakfast reception na inihanda sa kanya sa Dusit Thani Hotel sa Makati City, sinabi ni Pacquiao na buong puso niyang ipinagmamalaki sa buong mundo ang ginawa niya para sa mga Pilipino — ang minsan pang pagbuklurin ang mga ito sa kabila ng mga problema at kontrobersya.

“Hindi ako nakayuko,” ayon kay Pacquiao “Nakataas ang noo ko dahil ipinakita ko ang tapang ng isang Pilpino.”

Muling iginiit ni Pacquiao ang una niyang sinabi sa Estados Unidos na siya ang nanalo sa laban — kaiba sa naging desisyon ng hurado na pumabor lahat kay Mayweather.

“Tinatanggap ko kung ano ang hatol ng mga judges; kailangan kong tanggapin dahil kasama sa sports ‘yan. Ni-review ko paulit-ulit ang tape, kahit saang anggulo, lamang pa rin ako ng two points, 7-5 (rounds won) ang score ko,” giit ni Pacquiao nang humarap sa media.

Nagpatawa rin ang Pambansang Kamao ng sabihin nito na sana pala ay nagpraktis siya ng track-and-field para nasabayan si Mayweather sa takbuhan.

Dumating sa bansa si Pacquiao kasama ang buong pamilya bago mag-alas-4 ng umaga, mahigit isang linggo matapos ang laban kay Mayweather, at sampahan ng kabi-kabilang kaso ng mga disappointed na fans dahil sa hindi umano niya pagdedeklara na may iniinda siyang injury sa balikat dahilan para siya ay matalo sa laban.

Read more...