Mga kongresista dapat isailalim sa HIV/AIDS test

UMAPELA ang ilang kongresista sa kanilang mga kapwa mambabatas na sumailalim sa HIV-AIDS test.
Sa ganitong paraan, sinabi ni Ifugao Rep. Teddy Baguilat na mas marami ang mahihikayat na magpasuri para hindi na makahawa ng nakamamatay na sakit.
Ayon kay Baguilat konti lamang ang mga mambabatas na sumasama sa kanila para magpasuri.
“Last year apat lang kami. Sana dumami kami ngayon,” ani Baguilat.
Kahapon sinabi rin ng Philippine Legislators’ Committee in Population and Development na kailangan ng P4.8 bilyon hanggang P6.6 bilyon para labanan ang sakit na patuloy na tumataas ang bilang ng mga nahahawa.
Ngayong taon ang nakalaang pondo para labanan ang sakit ay P383 milyon lamang.
Noong Marso 667 bagong kaso ng HIV ang naiatala, mas mataas ng 34 porsyento sa naitala sa kaparehong buwan noong 2014.
Mula 1984, umabot na sa 24,376 kaso ng HIV-AIDS ang naitala. Ang pinakamaraming nahawa ay sanhi ng pakikipagtalik sa kapwa lalaki.

Read more...