Laro sa Huwebes
(Cuneta Astrodome)
4:15 p.m. Shopinas vs Petron (Game 2, Finals)
NAPANATILI ng Petron ang mainit na laro na naipakita nang pabagsakin ang Shopinas, 25-18, 25-14, 25-19, para sa 1-0 kalamangan sa 2015 Philippine SuperLiga All-Filipino Conference finals kahapon sa Imus Sports Complex sa Imus City.
Ang tubong Tanza na si Dindin Santiago-Manabat ay nagpakawala ng 16 puntos, kasama ang 13 kills, pero naroroon pa rin ang suporta ng mga kasamahan para lumapit sa isang laro tungo sa paghablot ng kampeonato sa ligang inorganisa ng SportsCore katuwang ang Asics, Mikasa, Senoh, Mueller Sports Medicine, Via Mare, LGR at Healthway Medical.
“Ibang laro na rito kumpara sa elimination. Ang sa amin lamang ay nag-step up kami. Nagkaroon naman sila ng problema sa communication at mga unforced errors,” wika ni Petron coach George Pascua na balak kumpletuhin ang 12-0 sweep sa Huwebes.
“Ayaw kong magsalita agad pero hopefully, maging consistent pa rin kami,” dagdag nito. Sina Maica Morada, Rachel Ann Daquis at Abigail Maraño ay gumawa ng 9, 8 at 7 puntos at ang Petron ay nagdomina sa attacks, 39-25, blocks, 5-3, at serve, 8-4. May 23 errors din ang Lady Clickers laban sa 19 ng Lady Blaze Spikers.
May 13 puntos, kasama ang 12 kills, ang ginawa ni Cha Cruz pero nalimitahan lamang sa anim si Stephanie Mercado.Si Lee Heung Fai ng Hong Kong ang kinuha para maging referee ng laro pero hindi niya kinailangan na tutukan ang laban dahil kontrolado ito ng Petron.