Jose tuloy ang pagtulong sa mga ‘MINALAS’ na katrabaho

wally bayola

Kahit puro patawa ang ginagawa nina Jose Manalo, Wally Bayola at Paolo Ballesteros sa segment ng Eat Bulaga na “Juan For All, All For Juan”, marami rin daw siyang natututunan mula sa mga nakakasalamuha nilang mga kababayan natin sa mga barangay.

At kahit daw nakakapagod at nakaka-stress ang ginagawa nila sa nasabing segment, hindi raw nila ito nararamdaman dahil nakikita nila na masayang-masaya ang mga binibigyan nila ng swerte sa bawat barangay na napupuntahan nila at yan ay sa tulong na rin ng kanilang ka-partner sa paghahatid ng ligaya sa mga dabarkads, ang Puregold.

“Kapag nakikita na nila ang grocery na dala namin, ang palaging nasa isip nila ay kung anong tindahan agad ang puwede nilang gawin.“Puwede na silang mag-mini grocery store or mag-mini-sari-sari store.

Negosyo agad ang nasa isip nila. “Tinatanong namin sila kung anong gagawin nila sa mga groceries. ‘Ipamimigay niyo ba ‘yan?’ Hindi raw lahat, karamihan, ine-negosyo nila para yung perang makuha nila, hindi masyadong magagalaw,” kuwento ni Jose sa presscon kamakailan ng Puregold.

Samantala, sinabi ni Jose na natutunan na rin niya ang mag-ipon dahil alam niyang hindi panghabambuhay ang kanilang trabaho, “Pinaghahandaan din siyempre (kinabukasan).

Hindi naman puwede ang artista na hangga’t may kinikita ay sige lang ng sige. “Kailangan may naitatabi ka rin. Ngayon, nag-uumpisa ulit sa pag-iinvest. Ganu’n pa rin, pagtulong pa rin sa mga kapatid ko, sa Nanay ko.

“Hindi maiaalis sa artista na may mga lumalapit sa ‘yo na dating mga kasama natin sa trabaho na hanggang ngayon naman, tinutulungan natin kung meron pa naman,” aniya pa.

Sa pag-iikot daw nila sa mga barangay, mas natutunan niya ang maging humble, “Hindi ko iniisip na artista ako dahil nasa kalye kami. Kung ano ang pakiramdam ng nakalakihan naming lugar na ngayon, e, nandoon ulit kami.

“Hindi namin iniisip na ‘eto, kaya kami nandito dahil artista kami. At maganda ang naisip ng Bulaga na yun na hindi kami lumalayo kung saan kami nanggaling,” sey pa ng komedyante.

Read more...