SAPILITANG inilabas ang isang pasahero ng Philippine Airlines (PAL) mula sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) noong Linggo ng gabi matapos umanong gumawa ng eksena at magpakita ng senyales ng pagkakaroon ng problema sa pag-iisip.
Kinilala ang pasahero na si Rodelyn Courtney. Binuhat si Courtney ng tatlong security personnel ng NAIA.
Nang puwersahang ilabas ang babae mula sa airport, makikita pang binitbit siya sa braso at balikat ng dalawang lalaki mula sa Goldleaf Security Agency, samantalang nakahawak naman ang ikatlong lalaki sa kanyang mga paa.
Nakasunod sa kanila ang tatlong airline security personnel at dalawang opisyal ng airport police na hawak-hawak ang bag ng pasahero.
Kinukunan naman ng video ng babaeng empleyado ng PAL ang buong pangyayari hanggang sa paglabas.
Batay sa ulat mula sa airport police department, alas-3:30 ng hapon ang flight ng babae sakay ng Philippine Airlines (PAL) papuntang Bacolod ngunit imbes na sumakay, nagpakalat-kalat ang babae sa NAIA terminal 2 pre-departure area.
Nang kinakausap na siya ng mga empleyado ng PAL, hindi naman ito sumagot at lumipat lamang ng upuan.
Pinayagang manatili si Courtney sa lugar at tumawag ng doktor para siya masuri.
Dito na nagsimulang gumawa ng eksena ang babae. Sinigawan niya ang mga security personnel at sinabihang iwan siya at huwag hahawakan.
Sinabi ng isang imbestigador na dinala si Courtney ng ambulansiya ng PAL sa National Center for Mental Health sa Mandaluyong City.