KAPAG taga-Malacañang at mga politikong pulpol na kaalyado ni Pangulong Aquino ang tatanungin, marami ang may trabaho at walang naghihirap dahil wala nang corrupt.
Kapag sinabing mataas ang bilang ng mga walang trabaho sa Metro Manila, hindi naniniwala ang administrasyon, o dedma lang.
Ayon sa pag-aaral na isinagawa ng National Statistics Office, ang National Capital Region ang may pinakamataas na bilang ng mga walang trabaho (kailan ba naman nagbigay ng trabaho ang pambansa at lokal na gobyerno sa Metro Manila?
Jobfair? Bakit marami pa ring tambay?).
Ayon sa NSO, 10.4% ang itinaas ng mga walang trabaho sa Metro Manila, o isa sa bawat 10 ay walang trabaho, at sila’y nasa edad na para magtrabaho.
Ang nagsisikap kumita (namumulot ng basura, naglalako ng DVD, atbp.) ay 10-anyos hanggang 17-anyos, na, ayon sa ibang pag-aaral, ay sakop na rin ng salitang “trabaho.” Ganitong uri ba nang “trabaho” ang ipinagmamalaki ng gobyerno?
Sa bilang ng mga walang trabaho, 62% ay mga lalaki at 37% ay mga babae.
Napakarami nila. Paano sila papasok sa matuwid na daan?
At saang panaginip hihilahin para makita ang daan na ito?
Walang makain
KAPAG marami ang walang trabaho, marami rin ang walang makain.
Mas lalong marami na rin ang walang makaing masustansiyang mga pagkain, dahil mahal na nga ang presyo ng karaniwang araw-araw na pagkain, habang papalapit ang State of the Nation Address ni Pangulong Aquino, na alam na naman ng lahat na sesentro na naman kina Renato Corona at Gloria Arroyo.
Muling maririnig ang “stable food prices” at “food sufficiency,” na hindi para sa mahihirap kundi para sa klase ng mamamayan na kung tawagin ay A, B, at C.
Paanong magiging abot-kaya ang presyo ng mga pagkain gayung ang kilo ng manok ay P140 hanggang P145 na, sa kabila ng sinasabing price ceiling na P130?
Ang bigas na di makain ay P32/kilo at ang maliit na lata ng sardinas, na dati’y bahog na lang sa aso, ay P16.
May price control ba sa palengke, talipapa at sari-sari store?
Wala pang nakikitang taga-gobyerno na gumagala sa malilinis na grocery ng mga mall para silipin ang presyo at alamin kung sumusunod ang mga ito sa price ceiling ng mga paninda’t pagkain, higit sa lahat ay pagkain.
Sa mga palengke, ang baboy ay P180/kilo o higit pa, dahil ang iginigiit ng mga manininda ay mataas na rin ang presyo ng bagsak at kailangang patungan nila ito para lamang kumita.
Ang huling tumaas ang presyo sa nakalipas na linggo ay ang asukal, at ang magaling na gobyerno ay sinabing titingnan nila ito.
Titingnan? Di ba’t mataas na presyo rin ang kanilang makikita.
Ang unang tatamaan ng mataas na presyo ng asukal ay ang tinapay.
At kapag mananatili na mataas ang presyo ng asukal, lahat ng presyo ng lutong pagkain ay itataas na rin, lalo na sa Disyembre.
Malayo pa ang Disyembre at hindi naman mapupuna ang mataas na presyo ng pagkain dahil ang pag-uusapan ay SONA ni Aquino, pagpapakulong sa karaniwang bilangguan kay Gloria Arroyo, sigalot na Koko-Migs, magagaling na kandidato ng LP (Lakas pala) at UNA, girian ng mga mayor at gobernador sa lokal na pamahalaan, Halloween party at marami pang bagay na di naman makakain.