WOWOWIN ni Willie Revillame gagawing araw-araw ng GMA

willie revillame

Nagsimula na kahapon ang bagong programa ni Willie Revillame. Tuwing Linggo nang alas tres y medya pa lang ngayon ang Wowowin, pero malaki ang posibilidad na maging araw-araw na pagkatapos lang nang ilang buwan.

Naka-tape na ang ipinalabas na show kahapon, ayon sa staff ni Willie ay sadyang ginawa ‘yun ng produksiyon para maiwasan ang overtime, sayang daw naman ang mga ihinanda nilang production numbers kung mapuputol lang sa ere.

Kilalang-kilala pa naman si Willie sa pagiging overtime king, kapag hawak na niya ang mikropono at nakikita niyang masayang-masaya ang studio audience ay parang ayaw na niyang mag-break, ‘yun ang iniwasan nilang mangyari kaya itineyp muna nila ang unang dalawang episodes ng Wowowin.

Tapos na ang paghihintay ng mga tagasuporta ni Willie, heto na uli ang mahal nilang aktor-TV host na handa na namang mamahagi ng house and lot, sasakyan, cash prizes at ng makasaysayang jacket at cellphone ng programa.

Maligayang pagbabalik, Willie Revillame, hiling ng kanyang mga tagahanga ang mas pinasaya pa at pinagandang show mula sa kanilang idolo.

“’Yun naman talaga ang unang-unang concern namin, ang paligayahin ang ating mga kababayan, ang pansamantala silang makalimot sa problema habang pinanonood nila ang Wowowin.

“Para sa kanila ito, sila ang gusto naming pasayahin. Bigyan ng jacket ‘yan!” masayang sabi pa ni Willie Revillame.

Read more...