Mahigit 2,000 lumikas dahil kay Dodong

Bagyong Dodong

Bagyong Dodong


Mahigit 2,000 katao ang nagsilikas sa iba-ibang bahagi ng Luzon sa gitna ng panganib na dala ng bagyong “Dodong” (international name: Noul), ayon sa mga opisyal kahapon.

Umabot sa 1,343 katao ang lumikas sa mga bayan ng Divilacan, Maconacon, Dinapigue, Palanan, at Benito Soliven sa lalawigan ng Isabela, sabi ni Norma Talosig, direktor ng Office of Civil Defense-Cagayan Valley, sa kanyang ulat.

May mga naitala ring paglikas sa Gonzaga at Sta. Ana, Cagayan, ngunit di pa natatanggap ng regional OCD unit ang tala ng mga awtoridad doon, sabi ni Talosig nang kapanayamin sa telepono.

Pinakilos na ang mga tropa ng pamahalaan sa dalawang bayan na tumulong sa paglilikas ng mga residenteng nakatira sa mga baybayin, sabi naman ni Major Emmanuel Garcia, commander ng AFP 7th Civil Relations Group.

Ito aniya’y matapos ianunsyo ng Philippine Atmospheric, Geophysical, and Astronomical Services Administration (PAGASA) na posibleng magaroon ng hanggang 2-metrong taas na storm surge o daluyong sa mga baybayin ng Gonzaga at Sta. Ana.

Una dito’y nagtaas ng mga public storm warning signal para balaan ang mga residente laban sa posibleng pagbaha at landslide.

Dumanas naman ang Tuguegarao City, kung saan nakabase ang regional OCD unit, ng brownout mula alas-11:40 ng umaga habang binabayo ng mga bugso ng hangin at pag-ulan na dala ng bagyo, ani Talosig.

“Puwedeng ito’y (brownout) mitigation measure, para maiwasan ‘yung mga makukuryente, pero hindi pa kami naiinform ng electric cooperative. Pina-prioritize din kasi namin ngayon ‘yung mga maapektuhan talaga doon sa norte,” aniya.

Maaaring direktang tamaan ni “Dodong,” na may taglay na hanging 185 kilometro kada ora at bugsong 220 kada ora, ang Gonzaga at Sta. Ana na nasa hilaga, ani Talosig.

Umabot naman sa 379 katao ang lumikas Sabado sa mga baybayin ng Dinalungan at Casiguran, Aurora, sabi ni Josephine Timoteo, direktor ng OCD Central Luzon, sa kanyang ulat.

May 179 katao ang nasa evacuation centers sa dalawang nasabing bayan, habang 200 pang residente ng Casiguran ang nakikisilong sa mga kamag-anak, aniya.

Noong Biyernes, 320 residente ng Brgy. Cogon, Irosin, Sorsogon, ang lumikas dahil sa bagyo at nag-aalburutong Mount Bulusan, sabi ni Raden Dimaano, pinuno ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office.

Ang mga naturang residente’y nakatira sa loob ng 4-kilometer permanent danger zone ng Bulusan, na nagbuga ng abo noong nakaraang linggo, ani Dimaano.

Hinikayat silang lumikas dahil maaaring maging “lahar” ang mga abong naiiwan sa loob ng bulkan kapag nabagsakan ng ulang dala ng bagyo, aniya.

Read more...