NAGKUKUMAHOG ngayon ang Commission on Elections (Comelec) para matiyak na matutuloy pa rin ang computerized elections sa 2016 matapos namang ibasura ng Korte Suprema ang P300 milyong kontrata sa pagitan ng poll body at ng
Smartmatic na inaprubahan ng nagretirong dating Comelec chairman Sixto Brillantes.
Halos wala nang isang taon bago ang eleksyon, may sapat na oras pa kaya ang Comelec para mapaghandaan ito?
Imbes kasi na idaan sa bidding, pinili ng pamunuan noon ni Brillantes na idaan sa negotiated contract ang pagsasaayos ng mga lumang precinct count optical scan (PCOs) machines.
Ang dahilan pa noon ni Brillantes sa mga panayam sa media, wala nang sapat na oras ang Comelec para sa bidding.
Heto tayo ngayon, pare-parehong nagtatanong kung babalik ba tayo sa mano-manong paraan ng pagboto sa 2016.
May mga anggulo pa nga ng no-elections (No-el) dahil sa nangyaring kapalpakan ng dating pamunuan ng Comelec.
Sa mga pahayag sa media, sinabi ni bagong appoint na Comelec Chairman Andres Bautista na tinitignan nila ngayon ang pagbili ng 100,000 bagong vote-counting machines para sa darating na halalan.
Ayon kay Bautista, ang pagbili ng 100,000 mga bagong PCOs machines ang isa sa dalawang opsyon na tinitingnan ng Comelec.
Idinagdag ni Bautista na ang isa pang opsyon ay ang pagpapaayos ng mga lumang PCOs machines.
Tiniyak naman ni Bautista na dadaan pareho ang dalawang opsyon sa public bidding.
Kung kaya pa nga ng Comelec na magsagawa ng bidding, mas walang dahilan noon si Brillantes na hindi isailalim ang P300 milyong kontrata sa bidding kung saan mas may oras pa kumpara ngayon.
Sana nga ay magtagumpay si Bautista na matiyak ang computerized elections sa susunod na taon dahil kung hindi walang dapat sisihin sa kapalpakan ng Comelec kundi si Brillantes.
Alam naman natin sa Comelec, na kung ano ang gusto ng chairman ay siyang nasusunod at umaayon lamang ang mga commissioner sa nais nito.
Matagal na naupo si Brillantes bilang elections lawyer bago italaga ni Pangulong Aquino sa Comelec kayat dapat ay alam niya kung ano ang tama pagdating sa mga kontrata.
Iginagalang noon si Brillantes bilang election lawyer pero iba pala kapag nakaupo ka na sa gobyerno.
Umasa na lang tayo na magiging matagumpay pa rin ang 2016 presidential elections dahil nasa kamay talaga ng Comelec ang ikatatagumpay ng ating halalan.
(Para sa reaksyon o komento, i-text ang TROPA ,pangalan, edad, lugar at mensahe sa 09999858606 o 09277613906.)