Mga Laro Ngayon
(Araneta Coliseum)
3 p.m. Blackwater vs Barako Bull
5:15 p.m. Brgy. Ginebra vs Talk ‘N Text
PINALASAP ng Meralco Bolts ang San Miguel Beermen ng ikalawang sunod na pagkatalo matapos manaig, 106-95, sa 2015 PBA Governors’ Cup elimination round game kahapon sa Smart Araneta Coliseum sa Cubao, Quezon City.
Dinomina ng Meralco ang overtime period kung saan pinaiskor lamang nila ang Beermen ng apat na puntos habang sila ay umiskor ng 15 puntos para magtala ng 1-1 karta.
Si Bolts import Andre Emmett, na gumawa ng 31 puntos at 11 rebounds, ang namayagpag sa overtime kung saan pinamunuan niya ang opensa ng Meralco sa kinamadang walong puntos.
Si Emmett ang tumapos sa hangarin ng San Miguel Beer na makapagtala ng panalo nang ipagkaloob niya sa Meralco ang 104-93 bentahe may 59.9 segundo ang nalalabi sa overtime.
Samantala, tatangkaing makisalo sa itaas ng Barako Bull Energy sa pag-asinta nito ng ikalawang sunod na panalo sa pagharap nila ngayong hapon sa Blackwater Elite sa Big Dome.
Ang Energy at Elite ay magsasagupa sa unang laro ganap na alas-3 ng hapon. Sa ikalawang laro na isasagawa alas-5:15 ng hapon, sasalang ang 2015 PBA Commissioner’s Cup champion Talk ‘N Text Tropang Texters laban sa Barangay Ginebra Kings.
Ang Barako Bull ay galing sa 101-96 panalo kontra NLEX Road Warriors noong Miyerkules. Ang Energy ay pinamunuan ng 7-foot-2 import nitong si Liam Paul McMorrow na nagtala ng 33 puntos at 22 rebounds kontra Road Warriors.
Makakasukatan naman ngayon ni McMorrow si Elite import Marcus Douthit. Ang Tropang Texters ay hangad naman na maipagpatuloy ang tagumpay na nakamit sa nakalipas na kumperensiya sa pagharap nila sa Gin Kings.
Ipapaparada ng Talk ‘N Text ang import nitong si Steffphon Pettigrew at Asian reinforcement na si Sam Daghles. Si Pettigrew ay dating kakampi ni Japeth Aguilar sa Western Kentucky University.
Siya ay nag-average ng 14.6 puntos at 6.0 rebounds sa huling taon niya sa WKU Hilltoppers. Naglaro rin siya sa mga liga sa Mexico, Uruguay, Venezuela at Puerto Rico. Ang Jordanian na si Daghles ay isa sa pinakamahusay na backcourt players sa Asya.
Siya ay nag-average ng 14.8 puntos, 4.4 rebounds at 4.6 assists sa 2011 FIBA Asia Men’s Championship. Nakapaglaro rin siya sa 2010 FIBA World Championship, kung saan nagtala siya ng 12.8 puntos at 5.6 assists, at 2012 FIBA World Olympic Qualifying Tournament.
Ang Barangay Ginebra ay pangungunahan ng import nitong si Orlando Johnson na gumawa 50 puntos sa kanyang PBA debut noong Biyernes kontra Alaska Aces.