PINANTAYAN ni Alvin John Vergel ang record sa 110-m hurdles para tumulong din ang athletics team ng National Capital Region sa paghahakot ng ginto sa 2015 Palarong Pambansa na ginagawa sa Davao del Norte Sports and Tourism Complex sa Tagum City.
Ang tubong Muntinlupa City na si Vergel, na nanalo ng tansong medalya noong 2014 sa Laguna, ay nakagawa ng 14.68 segundo tiyempo sa 110-m hurdles sa secondary boys’ para pantayan ang record ni Patrick Unso ng NCR noong 2010.
Tinalo niya si Alexis Soqueno ng Western Visayas (14.74) para mabigo ang tangkang pangalawang ginto matapos dominahin ang 400-m hurdles.
Nagkampeon din si Noribelle Lagunay sa elementary girls’ 100-m hurdles sa 17.07 segundo para sa kanyang ikalawang ginto sa kompetisyong suportado ni Governor Rodolfo del Rosario at suportado pa ng Tagum Agricultural Development Company Inc., Damosa Land, Davao Packaging Corporation, Davao International Container Terminal, Inc. at Pearl Farm Beach Resort.
Unang nanalo si Lagunay sa 400-m hurdles.
Ang dalawang ginto kahapon ang nagtulak sa pito ang nakolekta ng NCR sa track events para magkaroon na ng nangungunang 38 ginto bukod pa sa 31 pilak at 23 tansong medalya.
Sa swimming humahataw ang delegasyon sa kinubrang 16 ginto at si Seth Isaak Martin na kumakampanya sa elementary boys’ ang nangunguna sa kinubrang limang gintong medalya bukod sa pagtala ng tatlong records sa 100m backstroke (1:07.21), 4×50 medley relay kasama sina Charles Arceo, Ian Timothy Go at Sean Gabriel Cruz (2:06.50) at 400m medley relay kasama sina Arceo, Zachary Kong at Job Enrile (4:41.55).
Ang MVP sa 2014 Palaro sa secondary boys na si Maurice Sacho Ilustre ay mayroon na rin tatlong ginto, kasama ang dalawang records sa 200m butterfly (2:07.28) at 400m medley relay kasama sina Christian Sy, Drew Magbag at Andrae Pogiongko sa 4:07.00 na bumura sa 4:10.66 ng NCR noong 2009.