Mga Laro Ngayon
(Araneta Coliseum)
4:15 p.m. Globalport vs Blackwater
7 p.m. Alaska Milk vs Barangay Ginebra
MAGPUPUGAY si Frankie Lim bilang head coach sa pro league at igigiya niya ang Barangay Ginebra kontra Alaska Milk sa salpukan nila sa 2015 PBA Governors’ Cup mamayang alas-7 ng gabi sa Smart Araneta Coliseum sa Quezon City.
Sa unang laro sa ganap na alas-4:15 ng hapon ay pinapaboran ang Globalport kontra expansion franchise Blackwater Elite.
Hangad ng Batang Pier at Aces na maiposte ang ikalawang sunod na panalo sa season-ending tournament. Kapwa nagwagi ang Globalport at Alaska Milk noong Martes.
Dinaig ng Globalport ang Meralco, 92-73, samantalang tinambakan ng Alaska Milk ang Blackwater, 106-80.
Si Lim ay nagsilbing assistant coach ng Gin Kings noong nakaraang torneo. Hinalinhan niya si Renato Agustin matapos ang hindi magandang performance ng Barangay Ginebra sa Commissioner’s Cup.
Nang maupo bilang head coach ay ipinamigay ni Lim si Billy Mamaril sa Globalport kapalit ni Dave Marcelo. Kamakailan ay ipinamigay din niya si Joseph Yeo sa Barako Bull kapalit ni Solomon Mercado.
Bukod dito ay ipinamigay din niya sina Dylan Ababou at James Forrester sa Barako Bull kapalit ng 2015 first-round pick ng Energy.
Kinuha ng Gin Kings bilang import ang 6-foot-5 na si Orlando Johnson na naglaro para sa Indiana Pacers at Sacramento Kings sa NBA.
Makakasama niya ang Asian reinforcement na si Sanchir Tungalag na kinukunsidera bilang pinakamagaling na Mongolian player sa kasalukuyan. Tinulungan ng 6-foot-3, 26-taong gulang na si Tungalag ang Mongolian national team na pumangwalo sa 2014 Asian Games, kung saan nag-average siya ng 16.6 puntos at 5.6 rebounds.
Makakatunggali ni Johnson si Romeo Travis na gumawa ng 18 puntos at 12 rebounds sa panalo ng Alaska Milk kontra Blackwater.
Ang Globalport, na muling hinahawakan ni head coach Alfredo Jarencio, ay pinangungunahan ng mga imports na sina Patrick O’Bryant at Omar Krayem.
Kontra Meralco, ang seven-footer na si O’Bryant, na ninth pick overall ng Golden State Warriors sa 2006 NBA Draft, ay nagtala ng 15 puntos at 23 rebounds. Si Krayem ay gumawa naman ng 18 puntos, walong rebounds at apat na assists upang punan ang pagkawala ng injured na si Stanley Pringle.
Pinangunahan ng sophomore guard na si Terrence Romeo ang Globalport sa kinamadang 27 puntos.
Si Douthit ay nagtala ng 28 puntos at 16 rebouds laban sa Aces. Ang Blackwater ay hindi kumuha ng Asian reinforcement.