Naiinis ang isang nakausap naming kaibigan. Masamang-masama ang loob nito dahil sa kanyang opinyon at pakiramdam ay ninakawan-hinubaran ng karapatang manalo si Pacman sa nakaraan nilang laban ni Floyd Mayweather, Jr. sa Las Vegas.
Tulad ng iba pang mga Pinoy sa iba’t ibang dako ng buong mundo ay nagsisintir ang kanyang kalooban, bakit daw ang akala mo track and field player pang si Mayweather ang nanalo, bakit hindi ang sumusugod-sumusuntok na Pambansang Kamao?
“Sana, sa Fun Run na lang lumaban ang hayup na Mayweather na ‘yun, tutal, tinatakbuhan lang naman niya si Pacman na sumusugod sa kanya! Yakap lang siya nang yakap, ginawa lang niyang oval ang ring, puro pagtakbo lang ang ginawa niya pero siya pa ang nag-champion?” naiinis na kuwento ng aming kausap.
Pero nu’ng isang araw ay nagbago ang kanyang timplada, may disgusto ang aming kaibigan, tungkol na kay Pacman ang kanyang pagpansin.
Okey na raw sana ang lagnat ng bayan sa pagkatalo ng People’s Champion, nakuha na sana niya ang pagkampi at pakikisimpatya sa kanya hindi lang ng mga Pinoy kundi ng iba’t ibang lahi man, pero bakit ganu’n?
“Nasasayangan lang ako sa pakikisimpatya sa kanya ng maraming lahi, kasi, meron siyang sinasabing alam na raw niya ang mangyayari sa laban niya kay Mayweather dahil napanaginipan niya ‘yun!
“Ano ba? Ang ganda-ganda na nga ng sitwasyon, e! Bakit meron pa siyang pinaniniwalaang panaginip? Hindi na raw siya na-shock, kasi nga, napanaginipan na niya ang ending ng pakikipag-upakan niya kay Mayweather!
“Sana, hindi na lang niya sinasabi ang mga ganu’n dahil pagtatawanan siya. Ang ganda-ganda na kasi, e, nasa kanya na nga ang paniniwala pati ng mga dating boxing champions! Nakakaumay lang ang mga ganu’ng sinasabi ni Pacman!” huling hulagpos ng sentimyento ng aming kaibigan.