NAKALULUNGKOT ang sunod-sunod na mga naglabasang balita matapos pansamantalang ipahinto ng pangulo ng Indonesia ang pagbitay sa kababayan nating si Mary Jane Veloso.
Gayung nabinbin ang pagkitil sa buhay ni Veloso, walang kamatayang agawan naman ng kredito ang nangyari.
At ang malungkot, sa halip na pasasalamat, galit at paniningil pa sa pagkukulang ng gobyerno ang balikwas ng ina ni Veloso. Tanggapin man o hindi ng mga kritiko ni PNoy, nagbunga ang walang humpay na kahilingan ng pamahalaang Aquino sa Indonesia.
Hindi pa pangulo si Joko Widodo ng Indonesia ay inilapit na ni Pangulon Aquino sa dating presidente ang kaso ni Veloso.
Nariyan din ang personal na pakiusap ni PNoy nang muling magkita sila ni Widodo sa Malaysia. At ang huling hirit pa niyang malaki ang maitutulong ng testimonya ni Veloso ngayong sumuko ang itinuturong illegal recruiter nito.
Ito ang linyang nagpakumbinsei kay Widodo dahil magagamit ang mga pahayag na iyon upang matukoy ang sindikatong nagpapasok ng droga sa Indonesia na gumagamit ng Pilipino papasok sa kanilang bansa.
Walang tigil din ang mga kritiko ni Bise President Jejomar Binay sa pagbatikos dito.
Apat na beses nakipag-usap si Binay kay Indonesian VP Jusuf Kaila para hingin sa pangulo na ibaba na lang ang sentensiya ng Pinay.
Binanggit din ni Binay ang kaso ni Veloso kay Widodo mismo nang dumalo siya sa Asean-African Summit sa Bandung Conference sa Indonesia.
Ganoon din para sa mga kritiko ng Department of Foreign Affairs. Ang DFA sa pamamagitan ng embahada ng Pilipinas sa Indonesia ang personal na kumakatawan para sa Philippine government doon. Ang DFA ang nagsumite ng first and second appeal para sa judicial review ng kaso ni Veloso sa Indonesian Supreme Court.
Maging si House Majority leader Neptali Gonzales II ay nagsabi na unfair nga naman kung hindi man lang mabigyan ng kredito si Pangulong Aquino sa pakikipag-usap nito sa Indonesian government.
Anya, hindi naman lahat ng bagay ay dapat haluan ng pulitika. Hindi rin naman puwedeng masabi na nag-rally lang dito, maaari nang ihinto ang execution.
Tiyak na nagkaroon ng “official exchanges” sa pagitan ng pamahalaang Pilipinas at Indonesia, at hindi sa pamamagitan ng rally lamang.
Sa tanong ng Indonesia na “bakit ngayon lang?” patungkol sa huling hirit ni Aquino na kailangan nila ng buhay si Veloso para sa kanyang mga testimonya, matapos sumuko ang recruiter nito. Kasi nito lang naman sumuko ang itinuturong recruiter ni Veloso.
Ito rin ang tanong ng pamilya Veloso, na pruweba na pinabayaan daw talaga ang kaso nila gayong noong 2010 pa ito.
Ang kaso ni Veloso ay nagbibigay ng aral sa marami. Siya ang nagbigay babala sa lahat ng gustong maging OFW na dumaan sa tamang proseso kung nais talagang magtrabaho sa ibayong dagat.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.
