NAHAHARAP sa posibleng suspensyon o pagmumulta si Manny Pacquiao.
Ito ay ayon sa mga opisyales ng Nevada State Athletic Commission (NSAC), ang opisinang namamahala sa mga boxing matches sa Las Vegas.
Sinabi ni NSAC chairman Francisco Aguilar na iimbestigahan ng state attorney general’s office kung bakit hindi idineklara ni Pacquiao ang kanyang injury sa balikat bago sumabak sa laban kontra Floyd Mayweather Jr. noong Linggo sa MGM Grand.
Sa checklist kasi bago mag weigh-in noong Sabado ay sinagot ni Pacquiao na “no” ang katanungan kung siya ay may iniindang shoulder injury.
“We will gather all the facts and follow the circumstances,” sabi ni Aguilar. “At some point we will have some discussion. As a licensee of the commission you want to make sure fighters are giving you up-to-date information.”
Dahil dito ay maaaring patawan ng NSAC si Pacquiao ng karampatang multa o di kaya ay suspendihin ang kanyang lisensiya.
Ayon kay Pacquiao, natamo niya ang naturang injury sa training tatlong linggo na ang nakalilipas.
Bumuti naman aniya ng bahagya ang kalagayan ng kanyang kanang balikat sa araw ng laban ngunit pakiramdam niya ay lumala ito sa ikaapat na round matapos niyang paulanan ng suntok si Mayweather.
Mula sa puntong iyon ay bihira na niyang gamitin ang kanyang kanang kamao para sumuntok at kung tumama man ito ay “60%” lamang ang lakas nito.
Samantala, nakatakdang sumailalim si Pacquiao sa isang operasyon sa linggong ito, ayon kay orthopedic surgeon Dr. Neal ElAttrache.
Ineksamin ni ElAttrache si Pacquiao kahapon sa kanyang Kerlan Jobe Orthopedics office sa Los Angeles at nakita nito na may rotator cuff injury si Pacquiao.
Ayon naman sa official statement na isinapubliko ng Team Pacquiao at ng Top Rank Promotions kahapon, iniulat nila sa United States Anti-Doping Agency (USADA) ang naturang injury at humingi ng pahintulot na mabigyan ng non-steroidal anti-inflammatory si Pacquiao sa araw ng laban.
“Manny’s advisors notified the United States Anti-Doping Agency (USADA) of the shoulder injury and the treatments being proposed by the doctors during training and on fight night.
USADA spoke to Manny’s doctors twice, investigated, and confirmed in writing that the proposed treatments, if used, were completely allowed,’’ ayon sa statement.
Dahil sa iniindang injury ay nabigo si Pacquiao via unanimous decision at nanatiling walang talo sa 48 laban si Mayweather.