ISASAILALIM si Pambansang Kamao Manny Pacquiao sa operasyon matapos naman ang tinamong injury sa balikat.
Sa isang ulat ng ESPN, sinabi ni Dr. Neal ElAttrache na matindi ang naging punit sa balikat ni Pacquaio kayat kinakailangan itong operahan.
Aniya, aabutin ng siyam hanggang 12 buwan para gumaling nang tuluyan si Pacquaio.
“We have an MRI scan that confirms he has a rotator cuff tear. He has a significant tear,” sabi ni ElAttrache, ng Kerlan Jobe Orthopedic Clinic sa panayam ng ESPN.
Si ElAttrache ay isa sa mga respetadong surgeon sa North America, kung saan kabilang sa mga inoperahan niya ay sina New England Patriots quarterback Tom Brady, Los Angeles Dodgers pitcher Zack Greinke at Los Angeles Lakers star Kobe Bryant.
Hindi naman nagbigay ng partikular na petsa sa operasyon, bagamat inaasahan itong isasagawa bago matapos ang linggo.
Natalo si Pacquiao ni Floyd Mayweather,Jr. sa kanilang laban noong Linggo bagamat marami namang Pinoy ang hindi kumbinsido sa panalo ng Amerikanong boksingero.
Nagtrending pa sa social media ang biruan kaugnay ng pagtakbo at pag-yakap ni Mayweather.
Dahil sa kanyang operasyon, maantala naman ang nakatakdang pagbabalik sa bansa ni Pacquiao.