Mga Laro Ngayon
(Araneta Coliseum)
4:15 p.m. Blackwater vs Alaska Milk
7 p.m. Meralco vs Globalport
SISIKAPIN ng Meralco na maulit ang maganda nitong performance sa nakalipas na conference at malampasan pa iyon sa simula ng kampanya nito sa 2015 PBA Governors’ Cup kung saan makakalaban nito ang Globalport sa ganap na alas-7 ng gabi sa Smart Araneta Coliseum sa Cubao, Quezon City.
Sa unang laro sa ganap na alas-4:15 ng hapon ay makakatunggali ng Alaska Milk ang expansion franchise Blackwater Elite.Sa ilalim ni coach Norman Black, ang Bolts ay nakarating sa four-team semifinals ng nakaraang Commissioner’s Cup subalit nawalis ng Rain or Shine, 3-0.
Sa kabilang dako, hindi naman umusad matapos ang elimination round ang Globalport. Ang Meralco ay sasandig sa 6-foot-5 na si Andre Emmett at 6-foot-3 Iranian import Benny Koochoie.
Si Emmett ay kamakailang pinarangalan bilang Most Valuable Player ng NBA D-League. Siya ang 35th overall pick ng Seattle Supersonics noong 2004 NBA Draft.
Sa umpisa ay gusto sanang kunin ng Meralco ang Iranian superstar na si Mehdi Kamrani bilang Asian reinforcement. Subalit nang hindi ito naging available ay kinuha na lang ng Bolts ang 29-taong gulang na si Koochoie, isang beterano ng Iranian Super League.
Nakapaglaro rin siya sa Jiangsu Nangang Dragons sa Chinese Basketball Association. Kinuha ng Globalport ang seven-footer na si Patrick O’Bryant na nakapaglaro para sa Golden State Warriors, Boston Celtics at Toronto Raptors sa NBA.
Makakatambal ni O’Bryant ang 6-foot-1 Palestinian na si Omar Krayem. Huli itong nakapaglaro para sa Miners de Caborca sa Mexico. Naglaro rin siya sa Sweden, Finland, Hungary at Palestine.
Makakatulong nina O’Bryant at Krayem sina Stanley Pringle at Terrence Romeo. Main locals ng Meralco sina Gary David, Jared Dillinger, Cliff Hodge at Reynell Hugnatan.
Ang Alaska Milk, na runner-up sa San Miguel Beer sa Philippine Cup, ay umabot sa quarterfinals ng Commissioner’s Cup kung saan nawalis ng Purefoods Star, 2-0.