“MALALIM ang hugot!” Iyan ang naging reaksiyon ng Comedy Queen na si Ai Ai delas Alas nang tanungin tungkol sa Kapuso teen actor na si Ruru Madrid na gaganap na anak niya sa bagong GMA romance-comedy-drama series na Let The Love Begin.
Ayon kay Ai Ai, wala siyang naging problema sa mga eksena nila ni Ruru sa nasabing teleserye dahil kahit masasabing baguhan pa lang sa larangan ng pag-arte ay meron nang paghuhugutan.
Chika ni Ai Ai, “Oy, in fairness, magaling ang bata. Parang maraming pinaghuhugutan. “Bata pa ‘yan, ha? Seventeen pa lang ‘yan, hintayin mong tumanda pa ‘yan. May hugot, e. And I think, Maryo J. (delos Reyes) ‘yan, e.
“Ang ano (manager) niya ay si Maryo J., so mabigat-bigat ang training niya, ‘day. Lagot ‘pag syonga-syonga (tatanga-tanga), lagot!” natatawang pahayag pa ni Ai Ai.
Sa trailer ng Let The Love Begin na napanood namin, maraming eksena ang Comedy Queen kasama si Ruru dahil nga magnanay ang role nila sa kuwento.
Samantala, nagbabalak din palang magsosyo sa pagpo-produce ng pelikula sina Ai Ai at Eugene Domingo. Nananatiling best of friends ang dalawa kahit daw hindi sila masyadong nagkikita o nagkakausap.
Natanong ang komedyana kung anong plano nila ni Uge sa kanilang first venture bilang producers, “Siguro, indie (film) lang. Pero yung mainstream, hindi ko kaya. Usapan na namin ni Uge ‘yan, noon pa.
“Mag-aaral siya. Ako, producer; siya, direktor. Ngayon, iibahin namin. Siya, producer; ako, direktor. Tapos kami pa ang bida, ‘O, ‘di kami na lahat,’” tawa nang tawang chika pa ng nagbabalik-Kapuso.
At siyempre, isang malaking blessing na ituturing ni Ai Ai kung magkasama uli sila ni Uge sa isang proyekto, this time sa GMA na nga, “Oo, kasi. ‘di ba si Brad Pitt, magkaibigan sila ni George Clooney.
So, nagpu-produce sila, sila na rin ang mga direktor, sila rin ang mga artista. Kayo na lahat. Ang cute nga, e.” May nagtanong naman kay Ai Ai kung handa na ba siyang ibigay ang titulong Comedy Queen kay Pokwang.
“Okey lang kung ano ang i-title nila. Kasi nga, ‘di ba, ang title naman, isa lang ang may nagmamay-ari? “Like ang Megastar, wala namang Megastar 1, 2, o 3. Wala naman Star for All Seasons part two, part three or part four.
Ayoko namang sabihin na…baka sabihin niyo, mayabang ako. “Modesty aside, siguro naman sa tagal ko na rin naman sa industriya, 25 years…siguro naman, salamat naman dun sa titulo.
Bigay naman sa akin yun ng taong-bayan, ‘di ko naman inimbento yun,” chika pa ng komedyana.